Showbiz News

Vic Sotto, sinabing bayad na ang 30M na utang sa kaniya ng TAPE Inc.

By Jimboy Napoles

Sa media conference ng bagong sitcom ng GMA na Open 24/7, hindi nakaligtas ang lead star nito na si Vic Sotto sa ambush interview ng ilang press tungkol sa naging utang sa kaniya ng Television and Production Exponent (TAPE) Inc. na nagkakahalaga ng mahigit PhP30M.

Sa nasabing ambush interview, sinabi ni Vic na na-settle naman na ito ng nasabing kumpanya. Aniya, “Okay na bayad na… salamat na lang na-media.”

Matatandaan na ang kaniyang kapatid na si Tito Sotto ang nagsabi kamakailan sa interview nito sa Updated with Nelson Canlas na may utang na PhP30M ang TAPE Inc. sa Eat Bulaga hosts na sina Vic at Joey De Leon. Ito ay kaugnay pa rin sa isyu na pinagdaraanan ngayon ng nasabing noontime show kasama ang TAPE Inc., ang pamilya Jalosjos, at ang mga host nito.

Sinigurado naman ni Vic sa press na totoong bayad na ang nasabing utang sa kaniya at nagpapasalamat siya dahil hindi niya na inasahan na mababayaran pa ito sa kaniya.

“Oo, nabayaran na. It's not a joke. Hindi ko naman inaasahan 'yun, kaya thank you na rin,” ani Vic.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag si Vic, hinggil sa pinagdaraanang problema ngayon ng Eat Bulaga.

“I will comment on that when the right time comes,” wika ng batikang comedian-host.

Kamakailan lamang ay inakala ng lahat na tapos na ang isyu sa nasabing noontime show nang mag-guest sa Fast Talk with Boy Abunda si Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos, ang chief finance officer ng TAPE Inc. at sinabi nito na walang problema ang Eat Bulaga at sadyang nagkaroon lang ng pagbabago sa management dahil sa pagreretiro ng beteranong TV and Film producer na si Tony Tuviera.

Tila taliwas naman dito ang naging pahayag ng isa sa original hosts ng Eat Bulaga na si Tito sa naging panayam niya sa showbiz and entertainment news reporter na si Nelson Canlas kamakailan.

Sa ngayon ay hinihintay pang maglabas ng statement ang buong pamunuan ng Eat Bulaga, kasalukuyan namang napapanood pa rin ang programa sa GMA.

BALIKAN ANG MGA NAGING PAHAYAG NI MAYOR BULLET JALOSJOS TUNGKOL SA EAT BULAGA DITO: