Showbiz News

Lola, nahanap ang kanyang TOTGA na nang-ghost sa kanya

By Kristian Eric Javier

Sa buhay pag-ibig, hindi talaga maiiwasan na maiwanan ng isang minamahal. Pero minsan, hindi rin malayong makita pa ulit ito, kagaya na lang ng nangyari kay Nanay Ligaya Gamo-Pacanza na nakita uli ang kanyang TOTGA o "the one that got away", na si Tatay Hermilano Enchavez, o mas kilala bilang si Tatay Boy.

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, nagkita uli sina Nanay Ligaya at Tatay Boy matapos ang halos anim na dekada. Ngunit hindi naging kasing ganda ng inaasahan ang kanilang pagkikita.

“Pag arrive niya rito, hahalikan ka? Inano (tinulak) ko nga siya! Diyos ko!” sabi ni Nanay Ligaya ng dumating at sinubukan siyang yakapin at halikan ni Tatay Boy.

“Galit talaga, hanggang ngayon, pinakikita niya, e. That says something, and I still like her a lot,” sabi naman ni Tatay Boy.


Nag umpisa ang kuwento nila noong 1962, nang dumating mula Amerika sina Tatay Boy at ang kanyang pamilya. Ayon kay Nanay Ligaya, lumapit daw ang ama ni Tatay Boy sa kanyang mga auntie.

Pag-alala nito, “Papa niya, nagpunta dito sa amin. Sabi niya sa mga auntie o, 'I want that my son will marry to somebody here in our town.' Sabi ng auntie ko, 'Sige.'”

Pumasok sa Silliman University si Tatay Boy kung saan nag-aaral ang 17 anyos pa noon na Ligaya at ayon sa kanya, “Gwapo naman siya, may hitsura, parang Kastila.”

“Pero wala lang sa akin. What I'm thinking most of the time, ang sinasabi ng tatay ko, 'You better do your best there,'” pag alala nito.

Dagdag pa nito, “Hindi naman siya nanligaw sa akin, wala man. That time, siguro kung nagsabi talaga siya na nagustuhan niya ako, I don't know.”

Samantala, para naman kay Tatay Boy, “Sa totoo, we were never related as mag-boyfriend dahil may mutual understanding talaga kami.”

Kaya lang, bigla na lang nawala o nang-ghost si Tatay Boy at hindi na nagparamdam.

Sabi pa ni Nanay Ligaya, “Ano ba'ng klaseng tao na ito! Kasi sa mind ko rin na we were just friends so wala akong control sa kanya. I went to Cebu to continue my Medicine. I didn't know that he went back to the States. Hindi sinabi sa akin.”

Nagpaliwanag naman si Tatay Boy at sinabing may problema sa kanya ang eskwelahan nila at pinapatawag ang mga magulang niya, na hindi niya ginawa, kaya't hindi na rin siya nakabalik.

At sa pagpanaw ng asawa ni Nanay Ligaya noong Enero, 2022, at sa paghihiwalay sa asawa ni Tatay Boy, binisita niya ang kanyang dating minahal. At sa pagbabalik niya, isang tanong ang binigay niya kay Nanay Ligaya. “I always liked you, that's why I came here. Did you ever (liked me)? If I had asked you, papayag ka?”

At ang sagot ni Nanay Ligaya, “Maybe before, but that is past.”

“Oo, pero ngayon, mga matatanda na tayo. We're better very good as a friend. Maybe, I can treat you as a special friend,” sagot ni Nanay Ligaya.

Pero kahit ganun, hindi pa rin susuko si Tatay Boy at sisiguraduhin hindi niya magiging TOTGA si Nanay Ligaya at sinabi pang “age does not matter.”

“Malamang, madalas na'ko pupunta talaga dito. Maybe, even stay longer. Hindi natin malalaman kung ano'ng mangyayari,” sabi nito.

SAMANTALA, BALIKAN ANG CELEBRITIES NA MINSAN NA RING ROMANTICALLY LINKED SA ISA'T-ISA: