Showbiz News

Mikoy Morales, nagkuwento tungkol sa kanyang 'Villa Quintana' co-stars


Kasabay ng gumagandang kwento ng Villa Quintana ay ang bumubuti ring samahan ng cast nito. Kaya’t inalam ng GMANetwork.com mula kay Mikoy Morales ang mga experience niya sa likod ng kamera.

Sa pagsisimula ng kanyang career sa showbiz, marami na umano siyang iniidolo sa pag-aartista. Isa na rito ang kanyang Villa Quintana co-star na si Sunshine Dizon.

“Ewan ko pero sa kanya ako parang na-starstruck lalo na noong unang taping days. May scenes ako lagi na pinagtatakpan ko si Elmo. So laging parang kinakabahan ako dapat or takot ako sa kanya. Kasi si Lumeng [Sunshine Dizon] dito galit lagi e. So ang nangyayari, kapag totoong take na, inilalabas ko yung totoong kaba ko sa kanya. Talagang kinakabahan ako kapag nandiyan siya or talagang natatakot ako.”

Dagdag ni Mikoy, 'yung takot o kaba na nararamdaman niya ang ginagawa niyang inspirasyon sa kanyang mga eksena. Ngunit minsan, sumosobra umano siya sa kaba. “Nahihiya ako. Lalo na 'yung first-ever take namin together, inabot ako ng 4 to 5 takes. Sobrang hiyang-hiya ako na sa script or sa dialogue natatawag ko si Elmo na 'Elmo' sa take imbes na Isagani,” natatawang kuwento ni Mikoy.

Bukod kay Sunshine, hinahangaan din umano ni Mikoy si Tanya Garcia. Aniya, “Nakakasama ko rin siya sa standby area. Siya naman sobrang bait niya sa lahat. As in, sa lahat. So kung iisipin mo silang dalawa [ni Sunshine] dati magkasama sila sa Anna Karenina tapos ngayon nagkasama sila ulit. Ayun, it's fun to be with those kinds of kumbaga nasa ganoong league na artists.”

Masaya namang ibinahagi ni Mikoy na ang pinakamakulit sa kanilang set ay ang veteran actress na si Dexter Doria. Si Ms. Dexter ay gumaganap na Pilar, ang ina ni Lumeng (Sunshine Dizon).

“Sobrang kulit niya, kasi siya 'yung madalas kong kasama sa tent. Kasi sina Juancho at Rita sa ibang location sila madalas. Kumbaga dun sila sa kabilang storyline. Ako dito kila Elmo sa probinsya. Madalas na kasama ko 'yung mga lola niya, at sobrang kulit nila sa tent. Kung minsan makikinig ka lang matatawa ka na kasi sobrang diretsuhan sila makipagkwentuhan. Wala silang pakialam kung may nakakarinig. Nakakatawa na nabubulgar pero it's fun,” pagbubuking ni Mikoy.

Sa usaping acting tips, hindi umano humihingi si Mikoy nito ngunit nakakakuha pa rin siya ng mga advice sa pag-arte mula sa kanyang sariling paraan.

“Oo naman, lalo na pag tinuturuan nila si Elmo at si Janine, sa gilid lang ako. Nakikinig ako. Nakikinig lang, nahihiya ako e,” natatawang pahayag niya.

Patuloy na subaybayan si Mikoy Morales sa Villa Quintana, Monday to Friday pagkatapos ng Eat Bulaga.

-Text by Maine Aquino, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com