Showbiz News

Shayne Sava, na-starstruck at kinabahan sa unang eksena nila ni Sunshine Dizon sa 'Wish Ko Lang'

By Aimee Anoc

Aminado si Shayne Sava na hindi niya naiwasang kabahan sa kauna-unahang eksena niya kay seasoned actress Sunshine Dizon para sa Mother's Day special episodes ng Wish Ko Lang.

Kuwento ni Shayne sa Wish Ko Lang, ito ang unang pagkakataon na nakasama niya si Sunshine sa isang acting project.

"Grabe itong experience na ito kasi for the first time nakasama ko si Miss Sunshine Dizon. It's my first time working with her and honestly at the first take namin nag-stutter ako, nabulol ako kasi kinakabahan ako sobra," sabi ng aktres.

Dagdag niya, "Like parang na-starstruck ako na kasama ko si Miss Sunshine. Pero mabait siya super and hindi niya ipapa-feel sa 'yo na dapat kang kabahan. Working with other veterans, it's such an honor po talaga kasi this is my first time working with them. I am so happy po na nandito ako and I get to portray Seleen."

Ngayong Sabado (May 20), mapapanood si Shayne bilang Seleen, ang anak nina Lea (Sunshine) at Ernesto (Allan Pule) sa "Wish Ko Lang: Sa Piling Mo."

"I'm going to play the role of Seleen, anak nina Lea at Ernesto. Si Seleen kasi sobrang mabait siyang bata. Lahat gagawin niya para makatulong siya sa pamilya niya kasi hindi naman sila masyadong may kaya so kailangan niya talagang tumulong para sa kanila.

"Nag-aaral din siya nang mabuti para sa pamilya niya kasi iyon 'yung laging sinasabi ng nanay niya na, 'Mag-aral ka na lang nang mabuti anak,'" sabi ni Shayne patungkol sa kanyang karakter sa Wish Ko Lang.

Ayon sa aktres, hindi niya naiwasang makaramdam ng awa sa mga pinagdaanan ni Seleen at ng pamilya nito.

"Na-experience ko na nginungudngod, pinapahirapan. Alam mo habang tini-take namin 'yun sobra akong naaawa kay Seleen kasi nararanasan niya 'yung mga bagay na hindi naman talaga dapat niya nararanasan.

"Sobrang nakakainis to be honest kasi syempre parang pinagkait sa kanila, kinuha lahat, kinamkam lahat ng mga kayamanan nila o kinuha 'yung dapat na para sa kanila. And nakakaawa sila Seleen kasi hindi nila deserve 'yun and sila naman talaga dapat 'yung may karapatan."

Tampok sa "Wish Ko Lang: Sa Piling Mo" ang kuwento ni Lea, isang dating Janitress na umibig at nagpakasal sa isang mayamang negosyante, si Ernesto.

Panoorin ang unang bahagi ng "Wish Ko Lang: Sa Piling Mo," rito:

Huwag palampasin ang ikalawang bahagi ng "Wish Ko Lang: Sa Piling Mo" ngayong Sabado, May 20, alas-4 ng hapon sa GMA.

Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.gmapinoytv.com.

MAS KILALANIN SI SHAYNE SAVA SA GALLERY NA ITO: