Showbiz News

Ang kasalanan ni Angela


Inaamin kong malaki ang kasalanan ko kay Rhodora, pati na rin kina Mommy at Daddy. Hindi ako naniwalang may sakit ang aking kapatid, kaya nang magdesisyon akong sumama sa kanila ay buo ang loob kong maghiganti kay Rhodora. Ginawa ko ang lahat para gawing miserable ang buhay niya at masira ang pagsasama nila ni Joaquin. Gusto kong ipakita sa kanila na gawa-gawa lamang niya si Roxanne, na makikita rin nila ang kanyang tunay na kulay.

Pero mali ako all along. Totoo palang may DID si Rhodora. Pina-realize ito sa akin nina Mommy at Daddy nang umalis si Rhodora sa bahay at hindi namin siya mahanap. Alam kong kasalanan ko kaya siya naglayas, kaya handa ko na siyang patawarin sa lahat ng ginawa ni Roxanne, at sana ay patawarin niya rin ako.

Pagkatapos ng ilang araw na paghahanap ay natunton din namin ang kinaroroonan ni Rhodora. Nagkapatawaran na kaming magkapatid, at sumama na si Rhodora sa bahay. Akala ko ito na ang katapusan ng aming problema, ngunit may mga sumunod pa.

Nalaman ni Nico na okay na kami ni Rhodora at wala na akong balak bumalik sa kanya. Kaya nang magkita kami sa party ni Lola Cita ay naging pisikal ang sagutan namin. Buti na lang at nandoon pa si Joaquin para pigilan si Nico at ilayo ito sa akin.

Pinag-usapan namin ni Joaquin ang nangyari. Dahil pareho kaming lasing, hindi namin napigilan ang mga sarili naming halikan ang isa't isa. Sa mga sandaling iyon, nagbalik ang mga alaala ng aming nakaraan. Nakalimutan ko ang away namin ni Nico, pati na rin ang katotohanang asawa na ni Rhodora is Joaquin.

Buti na lang at hindi kami nahuli ni Rhodora. Pero hindi rin ito nagtagal dahil nalaman din niya ang tungkol dito. Galit na galit si Rhodora, at hindi ko siya masisisi. Isang malaking kasalanan ang nagawa ko hindi lamang sa kanya, kundi pati na rin sa mga magulang ko. Wala akong maibigay na dahilan kay Rhodora kung bakit ko ito nagawa sa kanya, kaya napagpasyahan kong umalis at tuluyan nang lumayo.

Paglabas ko ng bahay ay hinihintay ako ni Nico. Pinilit niya akong sumama sa kanya pero ayoko. Hindi ito nagustuhan ni Nico kaya pinuwersa niya ako papasok sa kotse, kasama si Jenna na sinundan ako sa labas.

Kinulong kami ni Nico sa kuwarto, pero buti na lang at pinakawalan kami ni Ryan nang makatulog ang kanyang kapatid. Pagdating namin sa bahay, isang mas matapang at nag-uumapaw sa galit na Rhodora ang nakaharap ko. Ipinaliwanag ko na dinukot kami ni Nico, na wala akong balak na tangayin si Jenna. Pero hindi siya nakikinig, patuloy ang panunumbat niya sa akin. Ayoko nang palakihin pa ang gulo kaya muling akong nagdesisyon na umalis at manatili muna kina Pia.

Tila muling nagkabaliktad ang mundo namin ni Rhodora dahil ngayon ay siya naman ang kasama nina Mommy at Daddy sa pagsundo sa akin. At tulad ng nangyari dati, nag-usap kami at nagkaayos, at sinama nila ako pabalik sa bahay.

Umaasa akong tuloy-tuloy na ang magandang relasyon naming magkapatid. Pero hindi ko itatangging may takot pa rin ako. Posible kayang bumalik si Roxanne dahil sa mga nagawa ko kay Rhodora? -Angela