Showbiz News

'Bad Romeo,' muling mapapanood sa GMA-7

By Abbygael Hilario

Masasaksihan muli ng mga manonood ang #1 Lakorn of 2022!

Muling mapapanood sa GMA-7 ang hit romantic Thai drama series na Bad Romeo.

Ang naturang palabas ay pinagbibidahan ng sikat na Thai-Norwegian actress at model na si Yaya Sperbund na gaganap bilang si Kimberly at award-winning Thai actor na si Mario Maurer na magbibigay buhay sa karakter ni Rico.

Iikot ang istorya nito kay Kimberly, ang mayaman na anak ng strikto at manipulative hotel tycoon na si Michael. Makikilala niya si Rico, isang mekaniko na sanay na sa hirap ng buhay.

Magtatagpo ang kanilang landas at mabubuo ang kanilang pag-iibigan na tututulan naman ng ama ni Kimberly. Gagawin nito ang lahat para paglayuin ang dalawa.

Matapos ang pitong taon, magbabago ang lahat. Magiging mayaman si Rico at makikilala na siya bilang si Carl Raman. Magiging tagapagmana naman si Kimberly ng kanilang hotel business.

Gagampanan naman ni Sam Yuranunt Pamornmontri ang karakter ni Michael.

Makakasama rin nila rito sina Aokbab Chutimon Chuengcharoensukying at Pop Thatchathon Sabanun bilang sina Lita at Tim.

Sabay-sabay nating subaybayan sa pangalawang pagkakataon ang love story nina Rico at Kimberly sa Bad Romeo, 5:10 p.m. to 5:40 p.m. sa GMA Afternoon Prime.

SAMANTALA, KILALANIN ANG CAST NG 'BAD ROMEO' SA GALLERY NA ITO: