
Magbabalik sa larangan ng action si Kapuso Action Drama Prince Ruru Madrid sa upcoming GMA Public Affairs series na Black Rider.
Pangunguhanan niya kasi ang star-studded cast nito na hitik sa mga personalidad mula sa iba't ibang larangan ng entertainment.
Ayon sa aktor, dream come true para sa kanya na magkaroon ng isang full action series dahil sadyang mahilig siya sa action films kahit noong pang kabataan niya.
"First of all, maraming salamat po na napabilang po ako sa isang programa na bata pa lang ako pinangarap ko na. Simula pagkabata pa lang, mahilig na 'ko talagang manood ng mga action na pelikula. Magmula siyempre [kay] 'Da King' FPJ (Fernando Poe Jr.), [sina] Robin Padilla, Sir Raymart Santiago, Phillip Salvador--lahat po halos ng action stars sa Pilipinas sinusubaybayan ko simula bata pa 'ko. Ang GMA at ang GMA Public Affairs po ang tumupad sa pangarap po na 'yun kaya maraming salamat po sa inyo," pahayag ni Ruru.
Lubos din siyang nagpapasalamat sa tiwalang ibinigay muli sa kanya para pagbidahan ang isa na namang serye sa primetime.
"It's actually my fifth consecutive project with Public Affairs and masasabi ko po na hindi po ako magsasawang makatrabaho po kayo. 'Yung tiwala na ipinagkaloob niyo po sa akin simula noong mga panahon na nagge-guest pa lang ako sa Inday [Will Always Love You], and then nagkaroon po ng Toda [One I Love], and then pinagkaloob niyo po sa akin 'yung tiwala niyo para po gawin ang programa na Lolong," lahad ni Ruru.
Nangako rin ang aktor na hindi niya sasayangin ang tiwalang patuloy na ibinibigay sa kanya ng produksiyon at maging ng mga manonood.
"I promise to give my 100% sa proyekto po na ito. Sa bawat eksena na bibigay niyo po sa akin, ibubuhos ko ang lahat ng aking makakaya para po mapaganda ang eksena na ito," aniya.
Source: rurumadrid8 (IG)
Sa katunayan, ilang buwan na rin daw niyang pinaghahandaan ang Black Rider kaya excited na siyang simulan ang produksiyon ng serye.
"We trained for this parang months din para po mapaganda ang bawat eksena na gagawin, bawat fight scene. I just can't wait na magawa po itong proyekto na ito," bahagi ng aktor.
Bukod dito, looking forward din daw siyang makatrabaho ang mga bigating artista tulad na lang nina Matteo Guidicelli, Katrina Halili, Zoren Legaspi, at marami pang iba.
"Sa mga ngayon ko lang din po makakatrabaho, maraming salamat po sa inyo at sobrang excited na po ako. Thank you so much to Public Affairs, to GMA, to my Sparkle family at sa lahat po ng mga nandirito," mensahe ni Ruru.
Ang Black Rider ay konsepto ni Erwin Caezar Bravo na siya ring lumikha ng culinary romance fantasy series na The Lost Recipe.
Ang kilalang stunt coordinator na si Erwin Tagle naman ang nagsilbing fight director ng maaksiyong serye, habang si Monti Parungao naman ang overall series director nito.
Abangan ang GMA Public Affairs full action series na Black Rider, soon on GMA Telebabad.
SILIPIN ANG STAR-STUDDED CAST NG BLACK RIDER NA PAGBIBIDAHAN NI RURU MADRID SA EXCLUSIVE GALLERY NA ITO: