Showbiz News

Aga Muhlach, todo-suporta sa pagpasok ni Atasha sa showbiz: 'Basta natutuwa ako'

By Nherz Almo

Hindi nakaiwas si Aga Muhlach sa tanong tungkol sa dalaga niyang anak na si Atasha Muhlach, na opisyal nang nagsimula ng kanyang showbiz career.

Nitong Martes, May 3, ipinakilala ang 22-year-old na anak nina Aga at Charlene Gonzales bilang bagong talent ng Viva Artist Agency.

Sa sumunod na araw, humarap naman si Aga sa entertainment media para sa gagawin niyang pelikula kasama si Julia Barretto, ang Forgetting Canseco.

Bago matapos ang interview, natanong ang batikang aktor tungkol sa pagpasok ni Atasha sa showbiz, na tila ikinagulat ni Aga.

“Mahirap ito ah… Paano ba yan? Hindi ko alam sagutin 'yan. Hindi ko alam sagutin 'yan. Hindi ko kaya,” sagot niya.

Ayon kay Aga, hindi raw siya sanay na matanong tungkol sa ganito. Marahil dahil kahit kilala ng publiko ang kanilang pamilya, naging pribado pa rin ang pagpapalaki nina Aga at Charlene sa kanilang kambal na anak na si Atasha at Andres.

Kaya naman sabi na lang ni Aga, “Parang hayaan ko lang siya. Basta as her dad, she knows that. I'm right there behind her, but ayokong makialam talaga.

“I pray that she flies and I'm happy that she's gonna be working soon. She started already, may press con na siya.”

Kasunod nito, ibinahagi niya ang isang nakatutuwang detalye sa araw ng unang press conference ni Atasha.

“As a matter of fact, the first photo she showed me… She texted me and she goes, 'Hey, Dad, guess what? I have my name sa parking lot. I have my name!'

“Parang tuwang-tuwa siya sa name, may picture siya sa parking niya. May 'Atasha Muhlach…' So yun lang. Maliliit na bagay sa family namin."

Sa panayam ng entertainment media kay Atasha, nabanggit niya na 10 taong gulang pa lamang siya ay gusto na niyang mag-showbiz. Ngunit, kinailangan muna niya itong isantabi para tutukan ang kanyang pag-aaral.

Ngayong magtatapos na siya ng pag-aaral sa Nottingham, U.K., malaya na siyang gawin ang matagal na niyang pinapangarap.

Ganito rin ang naging pahayag ni Aga, “She's graduating this year sa U.K. Basta masaya siya, magtatrabaho siya, nasa Viva siya.

“Sa bahay namin kasi... gusto niya 'yan, e. Eskuwela niya, siya ang namimili kung saan niya gustong mag-aral. Kung anong gusto niyang gawin, like when she wanted to work already, then go. Sa akin, sige. Para maramdaman mo, makita mo, di ba?”

Kaugnay nito, muli namang sinabi ni Aga, “I wish her well and she's of age to work. Sabi nga niya, 'Slay!'”

Ibig sabihin kaya nito ay posible na ring mag-showbiz ang binata niyang anak na si Andres?

Sagot ng aktor, “Tingnan natin kung anong gusto nila. Bahala sila. Talagang hindi namin napag-uusapan talaga sa bahay. Parang iba ang takbo sa bahay talaga.”

TINGNAN ANG MGA LARAWAN NINA ATASHA AT ANDRES SA GALLERY NA ITO: