
Nagulat daw si Ara Mina nang muling mabanggit sa publiko ng veteran actress na si Deborah Sun ang tungkol sa pagtulong sa kanya ng aktres.
“Nagulat ako na nagpa-interview siya ulit. Pero hindi naman ako galit na nagpa-interview siya. Maybe it's just a way na she wants to thank me,” sabi ni Ara nang hingan ng pahayag ng GMANetwork.com tungkol dito. Ito ay naganap pagkatapos ng press conference ng upcoming movie nila ni Aiai Delas Alas na Litrato noong Martes, July 4.
Sa panayam ni Snooky Serna kay Deborah, na in-upload sa YouTube channel ng una, nabanggit ng huli ang tungkol sa matagal nang pagpapatira ni Ara kay Deborah sa isang condo unit niya sa Quezon City.
Kaugnay nito, muli raw kinumusta Ara ang kapwa aktres, “The other day, tinawagan ko siya, 'Kumusta na po ba diyan?'
"Nawala na sa isip ko na seven years na pala. Siya bilang na bilang niya. Kasi, ang bilis ng panahon, e, sobrang busy ko. As long as she's okay… Kinumusta ko sila sa maliit na condo na 'yon.”
Pagkatapos nito, inalala niya kung paano nag-umpisa ang pagtulong niya sa dating Temptation Island actress.
Kuwento niya, “'Yung condo na 'yon, it's my first investment. In-invest ko yata 'yon pagkaalis ko sa That's Entretainment. 'Yun ang unang-unang condo na plano kong ibenta noon. It's just so happened na instead na ibenta ko, pinatira ko si Tita Debs. Hindi naman siya nag-ask, I offered it.
“Kasi nagkakakuwentuhan kami… I've never worked with her. Nakita ko lang siya, dumalaw siya sa taping kasi 'yung location namin, 'yung barangay… kasi nagtitinda siya ng something, ng kung ano-ano. 'Tapos, nabalitaan niyang may taping, ako 'yung artista. 'Tapos, ako, 'Ay, hello po, Tita Debs,' ganyan-ganyan hanggang sa kuwentuhan na. Naging textmates [kami], hindi siya nagmi-miss ng mga word of wisdom.”
Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na minsan nang nasangkot sa droga si Deborah. Gayunman, hindi ito alintana sa pagbibigay tulong ni Ara.
Katuwiran niya, “Minsan kasi, kapag nalaman nang ito ang pinagdaanan mo, nag-drugs ka before, they thought ganun pa rin, e.
“Noong na-raid naman siya before, it's not her fault. Hiyang-hiya siya sa akin noon kasi, siyempre, nakitira lang siya 'tapos meron pang ganun. Hindi ko naman siya pinaalis.”
Bukod sa pagpapatuloy sa kanyang condo, kapag may pagkakataon daw ay nire-refer din niya si Deborah sa acting projects.
“Inaalok ko rin siya sa mga [executive producers] para magkatrabaho, mag-guest-guest,” ani Ara.
Dagdag pa niya, “Natutuwa ako kay Tita Debs kasi hindi siya… gamitin na natin 'yung word na 'garapal.'
“'Yung iba kasi inaabuso ako, but she's not like that. Kahit papaano naman, sa tagal na natin sa industry, ang dami na nating nakakasalamuhang mga tao, medyo alam na nating bumasa ng mga tao.”
Kapansin-pansin sa interbyu na malaki ang puso ni Ara sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Sa katunayan, sabi niya, “Naaawa ako sa tao, e, May kakayahan naman akong somehow.
“Sabi ko nga, kung kasingyaman ko lang si Oprah, nagpatayo na siguro ako ng building at pinatuloy ko na 'yung mga kapwa artista nating walang bahay.”
Bukod kay Deborah, aktibo rin si Ara sa pagtulong sa Goodwill Heart Foundation at sa mga may down syndrome dahil may kapatid siyang ganito ang kondisyon.
“Tama 'yung sinabi niya [Deborah], mahirap maging mahirap. That's why, inaano ko naman na maraming blessing ngayon, maybe I have a mission to help,” pagtatapos ni Ara.
SAMANTALA, BALIKAN ANG MAGANDANG KASALAN NINA ARA AT DAVE ALMARINEZ DITO: