
“Kailangan ko [nang] pagtuunan ng pansin ang aking kalusugan.”
Iyan ang isa sa mga dahilan na ibinigay ni Wilbert Tolentino sa pagbibitiw niya bilang talent manager ng Magandang Dilag star at Binibining Pilipinas 2022 First Runner-up na si Herlene Budol.
“Ako po ay opisyal ng magbibitiw bilang Talent Manager ni Herlene Hipon Budol effective July 31, 2023,” pahayag ni Wilbert sa kaniyang Facebook account ngayong Lunes, July 24.
“Mahirap man gawin, halos matagal ko [rin] pinagisipan. Subalit kailangan ko [nang] pagtuunan ng pansin ang aking kalusugan, at bigyan oras ang aking anak,” pagpapatuloy nito.
Sinabi rin ni Wilbert na dahil tumatanda na siya, mas kailangan niyang pagtuunan ng pansin ang paglaki ng kaniyang anak.
Inamin din ni Wilbert na hindi madali ang maging isang talent manager at sinabing kulang ang 24 oras para sa sarili niyang buhay.
“Walang kapantay ang bawat hamon na aking naranasan, matupad lamang ang aking mga sinumpaang tungkulin para kay Herlene,” sabi nito.
Dagdag pa ng talent manager, “Sa maikling panahon ng pag-aalaga ko [sa] kanya, marami na [rin] kaming na-achieve, hindi lang sa buhay nya kungdi sa karera niya bilang Beauty Queen.”
Dito inilahad ni Wilbert ang mga naitulong niya kay Herlene, kasama na ang pagiging first runner-up sa Binibining Pilipinas 2022, at pagkakaroon ng beauty queen-turned-actress ng mga endorsement at first lead role niya sa GMA Afternoon Prime series na Magandang Dilag.
Kahit nagbitiw bilang talent manager ay sinabi ni Wilbert na masaya siya para sa mga narating ni Herlene dahil sa pagtupad nito ng kaniyang mga pangarap.
“Malayo pa ang mararating ni Herlene. Sana lang isapuso niya ang core value na itinuro ko sa kanya na COMMITMENT, PROFESSIONALISM and GRATITUDE,” sabi nito.
“I am very optimistic na lalago pa ang karera niya and more endorsement, tv shows, and movies to come!”
Sa huli ay nagpasalamat si Wilbert sa mga kompanya na nagtiwala sa kanila ni Herlene na na-render niya ng maayos ang napagkasunduan at napirmahan nilang kontrata. Nagpasalamat din ang talent manager sa GMA at kay GMA Films president Annette Gozon-Valdes at sa buong Sparkle Family.
“Hanggang sa muli,” pagtatapos ni Wilbert sa kaniyang post.
Basahin ang buong post ni Wilbert dito:
SAMANTALA, BALIKAN ANG MGA KAGANAPAN SA MEDIA CONFERENCE NG 'MAGANDANG DILAG' DITO: