Showbiz News

StarStruck Batch 1, nag-reunion sa ‘Basta Every Day Happy’


Pagkatapos ng maraming taon, nagkaroon ng reunion ang Starstruck Batch 1.

Makikita ito next week sa bagong talk-variety show ng GMA na Basta Every Day Happy.

Kasama sa episode na ito sina Mark Herras, Jennylyn Mercado, Yasmien Kurdi, Rainier Castillo, Dion Ignacio, Katrina Halili, Nadine Samonte, Alvin Aragon, Jade Lopez, at Anton dela Paz.

“Masarap ‘yung pakiramdam,” kuwento ni Jen. “Ang hirap talaga (kaming) pagsama-samahin e. Ilang beses na naming sinubukan…pero hindi talaga kaya. So, happy kami (na) talagang halos kumpleto (kami).”

Dagdag ni Yasmien, “Super happy and super fun. Siyempre nag-reminisce kami ng mga bagay-bagay. Medyo emotional na hindi mo malaman. [I realized na] ang tagal na palang naganap ‘yung StarStruck.”

Para naman kay Dion, tama ang timing ng Basta Every Day Happy. “Buti na lang nag-guest kami rito. Eto na ‘yung pagkakataon naming lahat,” saad niya.

Dahil wala noong umpisa ng show si Jennylyn, inakala nila na hindi talaga siya puwede. Pero isang surprise pala ang ginawa ni Jennylyn para sa kanyang batchmates.

Ani Jade, “Akala namin isu-surprise siya.”

“Kami pala ang na-surprise,” dagdag ni Katrina.

Si Anton ay isang businessman na ngayon. Buy and sell para sa parts ng cars at big bikes ang kanya umanong negosyo.

Nang tanungin siya kung balak pa niyang bumalik sa pag-aartista. “Well, nandiyan naman parati ‘yan [ang showbiz] e. So anything could happen,” aniya.

Sa panig ni Alvin, marami nang nagbago. “Ako po, isa na po akong asawa at isang ama. Kapag may asawa ka na at saka anak, natututo ka nang isipin ang kapakanan ng iba.”

Gusto naman ni Rainier na bumalik sa GMA kung saan siya unang nakilala bilang artista. Aniya, “Tingnan na lang natin, mga Kapuso, kung ano ang mangyayari.”

Masaya naman si Nadine dahil nagkasama-sama silang muli sa isang show.

“Ngayon lang ulit ako napadpad dito. So masaya, iba ‘yung feeling kung saan ka talaga nanggaling e. Sobra [akong na-excite] kasi ngayon lang ulit e. Ilang years na hindi kami nagkakasama-sama, nakaka-excite. At saka abangan kung ano ang mga next na mga mangyayari na magkakasama-sama kami,” dagdag niya.

Abangan ang StarStruck reunion episode sa Basta Every Day Happy na magsisimula na sa May 12.

Para sa updates mula sa inyong paboritong Kapuso stars, patuloy na mag-log on sa www.gmanetwork.com.

- Text by Maine Aquino, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com