Showbiz News

Marian Rivera, na-iintriga sa 'Royal Blood'

By EJ Chua

Ipinagdiwang ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes ang kanyang 43rd birthday nito lamang August 2, 2023.

Sa isang party para sa birthday ni Dingdong, nakapanayam ng Lhar Santiago ang aktor at ang asawa nito at Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.

Bukod sa Pinoy viewers, hook na hook din si Marian sa ilang misteryo sa Royal Blood, ang seryeng pinagbibidahan ni Dingdong.

Sa naturang interview, isang tanong ang binitawan ni Marian sa kanyang asawa. “Pwede bang sabihin mo na sa akin kung sino pumatay sa Royal Blood?”

Sagot naman ng aktor, “Kahit kami hindi pa rin naming alam pero malapit-lapit na po nilang malaman. Hang in there.”

Dingdong, mentor ni Marian sa pag-arte ngayon

Samantala, ngayong balik-taping na rin si Marian, si Dingdong daw ang itinuturing niyang mentor ngayon pagdating sa pag-arte.

Pagbabahagi ng Kapuso actress, “Si Dong ang palagi kong tinatawagan sa taping kung ano 'yung nangyayari sa akin. Minsan nangangapa ako sa mga eksena. So, itong mga simula ng taping ko si Dong ang aking mentor talaga.

Sinundan naman ito ni Dingdong ng isang pahayag na may papuri sa kanyang asawa, “Kwentuhan lang pero, Marian pa ba? Alam naman natin kung gaano kahusay 'yan.”

Bago mapag-usapan ang tungkol sa Royal Blood, ibinahagi ni Marian ang kanyang birthday wish para sa kanyang mister.

Sabi ng aktres, “Gusto ko 'yung health niya maayos. Gusto ko palagi siyang happy and more blessing sa kanya. Deserve niya lahat ng ito.”

Wish naman ni Dingdong para sa kanyang sarili, “Mabigyan lang ako parati ng lakas para magawa ko lahat ng mga dapat kong gawin at gusto kong gawin at maging sapat na asawa at ama sa mga mahal ko sa buhay.”

Patuloy na subaybayan ang maiinit na mga tagpo sa Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.

Mapapanood din ang Royal Blood sa Pinoy Hits, I Heart Movies, GTV (10:50 p.m.), at naka-livestream din sa Kapuso Stream.