Showbiz News

Winwyn Marquez, handang lumayo muna sa kontrabida roles

By Kristian Eric Javier

Tumatak sa marami ang pagiging kontrabida ng actress at TV host na si Winwyn Marquez. Ngunit ayon sa kanya, ayos lang kung malalayo muna sa mga nakasanayang roles.

Sa interview niya sa online entertainment show na Marites University, inamin ni Winwyn na mayroon siyang gagawing teleserye na inaayos na ngayon. Ngunit sabi niya ay baka hindi muna siya magiging kontrabida.

“Actually, GMA ang nagsabi na kung gusto daw ba mag-shy away muna sa sobrang kontrabida,” sabi ng aktres.

Dagdag pa niya, kung ano naman daw ang ibigay ng GMA sa kanya na role, kung sa tingin ng network ay bagay, ay tatanggapin niya.

“Ang iniisip ko kasi ngayon, anak ko, e. Kung maganda naman 'yung role, kung 'yun naman ang tingin nila na bagay and maganda 'yung story, kung kaya kong gampanan naman, and important naman 'yung character, go lang naman ako dun,” sabi nito.

Huling napanood si Winwyn bilang kontrabidang si Trixie sa dating GMA Telebabad series na Owe My Love. Huli namang napanood ang aktres sa Mga Lihim ni Urduja, kung saan ginampanan niya ang role na Dayang Iloguin, ang kapatid ng mythical warrior princess.

BALIKAN ANG JOURNEY NI WINWYN MULA BEAUTY QUEEN TO MILITARY RESERVIST DITO:

Ngayon ay isa si Winwyn sa mga bagong host ng longest-running noontime show na Eat Bulaga at, ayon sa kanya, napapanood at nakikisayaw pa ang anak niyang si Luna.

“Kasi, every time na kakain siya ng lunch, sinasabi ko sa yaya and dun sa daddy din na manood ng Bulaga while eating lunch para nakikita niya 'ko sa TV,” sabi ng aktres.

Ngunit nang tanungin siya kung susuportahan ba niya ito kapag nagsabi na gustong pumasok sa showbiz o sa pageantry, ang sagot niya, “Aral muna siguro siya."

Paliwanag niya, "Kasi ako, third year college na ako nung nag-showbiz ako, e, pa-graduate na ako, e. Kasi naniniwala ako, 'yun 'yung walang makaka-agaw, sa'yo 'yun."

Dagdag pa ng aktres ay puwedeng gawing fall back ni Luna ang pinag-aralan niya kung sakaling hindi maging successful sa showbiz o pageantry.