Showbiz News

Niño young stars, handa nang sumabak kay Direk Maryo J. Delos Reyes


Inamin ng Niño young stars na sina Miguel Tanfelix, Bianca Umali, Renz Valerio at Julian Trono sa GMANetwork.com na nakakaramdam sila ng pressure dahil hahawakan sila ng batikang direktor na si Direk Maryo J. Delos Reyes.

Dahil halos lahat ay unang beses pa lamang magiging direktor si Direk Maryo J. liban kay Miguel, tinanong namin sila kung ano ang kanilang expectations sa veteran director.


Miguel Tanfelix: No gadgets allowed

Hindi lang pagiging direktor ang magiging role ni Direk Maryo J. kay Miguel dahil siya rin ang tumatayong manager nito. Ayon kay Miguel magiging advantage para sa kanya na si Direk Maryo J. ang kanilang direktor dahil lalo siyang magagabayan nito.

“Pressured na rin kasi batikang direktor si Direk Maryo J. Dapat aral na aral mo 'yung lines mo. Bawal muna ang gadgets, siguro focus muna sa script. Pero ‘di ba manager ko siya. Siguro okay po na makakapagtanong po ako sa kanya kung paano po gagawin 'yung character ko.”


Bianca Umali: Intensity on the set

Ayon kay Bianca, alam niya kung paano magdirek ang isang Maryo J. Delos Reyes. Aware daw siya na hindi tumitigil si Direk Maryo hanggat hindi niya nakukuha ang gusto niyang eksena.

“Ine-expect ko is 'yung intensity on the set. 'Yung pressure kasi knowing Direk Maryo J., kapag siya 'yung nagdidirek, gusto niyang makuha what he has in mind. So hindi siya nagse-settle on ‘yan okay na 'yan or sige bahala na kung paano lalabas 'yan. Kung ano 'yung gusto niya, 'yon talaga 'yung gagawin niya.”


Renz Valerio: Lessons from the veteran

Kuwento ni Renz, gusto niya raw masubukan ang isang batikang direktor at kung paano ba sila aalalayan nito sa mga eksena. Bukod pa rito, ine-expect niya rin daw na mapapagalitan sila ni Direk Maryo J.

“Gusto ko po makita kung paano makatrabaho ang isang batikang direktor. Kasi di ba, Maryo J. Delos Reyes na po 'yan, andyan na 'yan eh. Parang gusto ko pong ma-try na kahit paano ay makatulong sa acting ko dahil magbibigay po siya ng lessons sa 'kin.”


Julian Trono: A joke from Direk Maryo J.

Ikinuwento sa amin ni Julian ang biro sa kanila ni Direk Mayo J. noon unang beses pa lamang sila nagkita sa event ng Niño.

“Actually nagsabi na siya sa 'min noong story conference na hindi na raw siya nambabato, nangungurot na lang daw siya (laughs). We know it's just a joke ‘di ba pero naroon pa rin 'yung pressure. Kung work, work lang talaga.”

Sa huli, sinabi sa aming ng young actors na handa na naman silang sumabak kay Direk Maryo J. Biro pa nga nila, huwag na lang daw sana sila mababato ng anomang gamit from the set habang nagte-taping ng pinakabagong Telebabad soap.

Abangan sina Miguel Tanfelix, Bianca Umali, Renz Valerio at Julian Trono sa Niño, ngayong May 26 na sa GMA Telebabad. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com