Showbiz News

Jillian Ward, ginawaran ng German Moreno Youth Achievement Award sa 71st FAMAS Awards

By Kristian Eric Javier

Ginawaran kamakailan ang Abot Kamay Na Pangarap star na si Jillian Ward ng prehistiyosong German Moreno Youth Achievement Award sa nagdaang 71st The Filipino Academy of Movie Arts and Sciences o FAMAS awards.

Sa interview kay Jillian sa awarding ceremony para sa 'Unang Balita' ng GMA morning show na Unang Hirit, sinabi ng aktres na alay niya ang pagkilalang natanggap sa kanyang pamilya.

“Sobrang thankful po ako kay God and sobrang saya ko rin po kasi I know na proud po sa akin si mama at si papa,” sabi nito.

TINGNAN ANG PRE-DEBUT PHOTOS NI JILLIAN SA GALLERY NA ITO:

Bukod pa roon, ipinahayag din ni Jillian na sana ay proud sa kanya si German Moreno, na madalas nagbibigay sa kanya ng payo noon, ayon sa aktres.

“Well, si Tito Germs, I love Tito Germs so much and sana po proud po siya sa akin kasi since baby po ako lagi niya po sinasabi sa akin na galingan ko,” kuwento ng aktres.

Dagdag pa nito, “Actually, lagi po siya sa akin nagre-request ng mga kanta na kantahin ko po on stage.”

Ang German Moreno Youth Achievement award ay iginagawad sa mga kabataang artista na nagpakita ng kanilang kakayahan sa pag-arte. Bago pa yumao ang Master Showman ay siya mismo ang nagdedesisyon kung sino ang gagawaran ng award.

Bukod sa German Moreno Youth Achievement award ay natanggap din ni Jillian ang Star of the Night Special Award.

Ginawaran din ang pelikulang Family Matters ng Best Picture Awards. Natanggap naman ni Nowel Trinidad ang Best Actor Award, ng Unbreak My Heart actress na si Nikki Valdez ang Best Supporting Actress Award, at ni Liza Lorena ang Susan Roces Celebrity award, para sa pelikula nilang Family Matters.

Samantala, nakuha naman ni Sid Lucero ang Best Supporting Actor award para sa pelikula niyang Reroute, at ni Nadine Lustre ang Best Actresss Award para sa pelikula niyang Greed.

Panoorin ang buong interview ni Jillian dito: