Showbiz News

Paghihiganti at katotohanan sa GMA Afternoon Prime



Ito ang tema ang linggong ito sa Villa Quintana, Innamorata, at The Borrowed Wife.

Narito ang mga eksenang hindi ninyo dapat pinalampas sa inyong paboritong Afternoon Prime shows.
 
Villa Quintana

Nagkasundo sina Jason at Patrice na gantihan si Isagani dahil sa gulong idinudulot niya sa mga Quintana. Dahil may pinagdaraanang problema si Isagani sa pagkawala ng inang si Lumeng, ginamit ito nina Jason para makumbinsi si Isagani na uminom sa isang bar.

Walang kaalam-alam ang lasing na si Isagani sa masamang balak nina Jason sa kanya. Ngunit sa mismong gabing iyon, nagdalawang-isip si Patrice at pinakiusapan niya si Jason na huwag nang ituloy ang plano nila laban kay Isagani.

Subalit huli na ang lahat. Hindi na napigilan ang inutusan ni Jason na sumaksak kay Isagani. Dahil ayaw na ni Patrice na matuloy ito, siya ang sumalag at napuruhan ng saksak. Galit na galit ang ina ni Patrice na si Stella kay Isagani. Nangako ito na ipakukulong siya.

Ano ang mangyayari kay Patrice?
 

Innamorata

Nagkasundo sina Gina at Alejandra na magtulungan kaya’t hindi natuloy ang kasal nina Esper at Edwin. Ngunit parang hindi na sumusunod si Gina kay Alejandra at binalak pa niyang sirain ang mahiwagang music box.

Dahil dito, nagdesisyon si Alejandra na gamitin ang katawan ni Gina para maisakatuparan niya ang kagustuhang makuha si Edwin. Sumanib si Alejandra kay Gina at tinangkang akitin si Edwin.

Subalit nabigo si Alejandra dahil napagtanto ni Edwin na ginagamit niya lamang ang katawan ni Gina. Iniwan ni Alejandra si Gina dahil wala raw itong silbi sa plano niya.

Ang susunod niyang pakay: Si Esperanza na kababalik lamang sa mansyon.

 
The Borrowed Wife


Nanumbalik na ang alaala ni Maricar pagkatapos niyang makakita ng sunog sa islang pinagtataguan ni Earl sa kanya. Naalala niya ang pagkasunog sa resort na kanyang tinuluyan noon kung saan niya nakilala si Earl bago siya naaksidente at nagka-amnesia.

Lahat ng detalye sa naging buhay ni Maricar ay naalala niya na lalong-lalo na ang asawang si Rico at ang kanilang anak na si Joana. Pati ang masasayang alaala nila ni Rico tulad ng kanilang kasal ay nagbalik na sa kanyang memorya.

“Ako si Maricar!” sabi niya kay Manang Seling.

Pero makatakas kaya siya kay Earl?
 
Kapana-panabik ang susunod na linggo sa Villa Quintana, Innamorata, at The Borrowed Wife sa GMA Afternoon Prime, weekdays after Eat Bulaga.

– Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com