Showbiz News

Raymart Santiago, tuloy ang laban para sa kustodiya ng mga anak


Hulyo 2013 nang magsimula ang laban sa korte sa pagitan ng mag-asawang si Raymart Santiago at Claudine Barretto. 
 
Doon din nagsimula ang pangungulila ni Raymart para sa mga anak na sina Santino at Sabina.
 
"Noong nag-start po ‘tong kaso na ‘to, August hanggang ngayon po…kung ito-total ko 'yung number of hours na kasama ko 'yung mga anak ko, sigro mga isang oras lang po,” ani Raymart.
 
Sinusubukan daw ng aktor na bisitahin ang mga anak, at nagpapadala pa siya ng regalo sa eskwelahan sa ilang mga okasyon ngunit hindi pa rin niya sila nakikita. Hindi rin daw pinapasok ni Claudine ang mga anak ng dalawang linggo pagkatapos ng insidente.
 
Pinabulaanan din ni Raymart ang sinasabi ng kampo ni Claudine na hindi raw siya nagpapadala ng suporta para sa mga anak.
 
“May nangyaring insidente na ipinarating ko sa kanila 'yung tulong ko pero wala pa rin eh. Na-reject din eh. So hintayin ko na lang (ang) utos ng korte, pero I tried,” sagot niya.
 
Itinanggi ni Raymart ang alegasyon ni Claudine noong nakaraang Linggo na peke ang kanilang renewal of vows noong 2003. Mayroon aniya siyang sapat na ebidensya kontra sa paratang ng asawa at korte na ang magdedesisyon dito.
 
“Meron akong mga dokyumento na nagpapatunay na lahat yun kasinungalingan,” pahayag niya.
 
Hindi man nagtagumpay ang kanilang relasyon, hindi kinakalimutan ni Raymart ang pinagsamahan nilang mag-asawa. 
 
“Sabihin nating love is blind. Noong mga oras na ganun, talagang lahat perfect, lahat tama, lahat maganda…Noong pinakasalan ko si Claudine, eh mahal ko naman talaga (siya.) Mahal ko 'yung mga anak ko at sa akin, siya ang nanay ng mga anak ko,” sabi niya.
 
Hindi madali ang pinagdaraanan niya ngayon pero handa siyang gawin ang lahat makasama lamang muli ang dalawang anak. Tuloy ang pakikipaglaban sa korte si Raymart para sa kustodiya.  
 
“Syempre gusto kong lumaki ang mga anak ko na may takot sa Diyos, marunong sumunod sa mga magulang, kaya 'yun 'yung ipinaglalaban ko,” dagdag ni Raymart.
 
Paalala niya sa mga anak: “Lahat naman ‘to ginagawa ko para sa inyo. Mahal na mahal ko kayo. Masyadong bata pa siguro kayo para maintindihan niyo ngayon ito, pero lahat ito, documents. Lahat ng mga papeles eh naka-file so iniipon ko."
 
"Lahat ng efforts sa time ko na makita ko sila, lahat 'yun naka-document. Paglaki nila makikita nila ‘yan at ‘yun naman ang importante sa ‘kin na ipinaglaban ko sila, at gusto kong iparating sa kanila na mahal na mahal ko sila,” aniya. 
 
-- Text by Meryl Ligunas, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com