Showbiz News

Bride of the Water God: Pagprotekta ni Habaek kay Lara | Week 4

By Aimee Anoc

Sa ikaapat na linggo ng Bride of the Water God, matapos na mapagitna sa away ng mga diyos si Lara (Shin Se-kyung), ipinangako ni Habaek (Nam Joo-hyuk) na hindi na niya hahayaan pang malagay ito sa panganib dahil sa kanilang mga diyos.

Muli namang nakipagkita si Habaek kina Moora at Biryeom kung saan ipinakita sa kanya ng mga ito ang dalawang sagradong bato. Ipinaliwanag naman ni Moora kung paano nawala ang isa pang bato na nasa kanilang pangangalaga.

Kuwento nito, 13 taon na ang nakalilipas nang magkita sila ni Biryeom at mag-away. Nang pumagitna si Joo-dong sa kanilang pag-aaway, dito na lumabas sa kanila ang sagradong mga bato. Agad nilang nakita ang dalawang bato pero hindi na nila nakita kung saan napunta ang batong nasa pangangalaga ni Moora. Hinanap ito ni Joo-dong pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito bumabalik.

Samantala, tinanong naman ni Lara si Habaek kung uuwi na ito sa oras na mahanap na ang huling sagradong bato, na kinumpirma naman ng diyos ng tubig. Sinundan naman ito ng panibagong tanong ni Lara kung ano ang mangyayari kapag hindi na bumalik ang kapangyarihan nito, na ani Habaek ay hindi mangyayari.

Patuloy na subaybayan ang Bride of the Water God, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 p.m. sa GMA.