Showbiz News

Bride of the Water God: Pag-alis ni Habaek sa mundo ng mga tao | Week 7

By Aimee Anoc

Sa ikapitong linggo ng Bride of the Water God, pinakiusapan ni Moora (Krystal Jung) si Lara (Shin Se-kyung) na paalisin na si Habaek (Nam Joo-hyuk) sa mundo ng mga tao habang hindi pa nauulit ang mga nangyari noon dahil sa pagmamahal nito sa isang tao.

Dahil sa selos, sinabi na ni Moora kay Lara ang dahilan kung bakit naging alipin ang mga ninuno nito ng mga diyos. Ikinuwento nito kung paanong pinagtaksilan si Habaek ng babaeng inibig nito noon--si Nak-bin.

Mahigit isang libong taon na ang nakalilipas, tinanggap noon ni Nak-bin ang alok sa kanya ng hari ng langit na kuhanin ang kapangyarihan ni Habaek kapalit ng buhay na walang hanggan. Dahil dito, nagkaroon ng sumpa si Habaek kung saan nagiging bata ang itsura nito sa tuwing natatamaan ng sikat ng araw.

Hinuli naman si Nak-bin dahil sa pagtataksil nito at pinarusahan ng kamatayan, ito ay bilang kapalit ng kalayaan ni Habaek mula sa sumpa. Pero hindi pa rin naging sapat para sa inang reyna ang pagkamatay na ito ni Nakbin at hiniling ang kamatayan din ng kapatid nitong lalaki at ng anak nito.

Nakiusap naman ang kapatid ni Nak-bin na huwag silang patayin kapalit ng pagsisilbi nito at ng kanyang magiging angkan sa mga diyos habang buhay.

Kahit na mahirap para sa kanya, sinunod ni Lara ang pakiusap sa kanya ni Moora at kinumbinsi si Habaek na bumalik na ito sa mundo kung saan siya nababagay at umalis na sa mundo ng mga tao.

Patuloy na subaybayan ang Bride of the Water God, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 p.m. sa GMA.

KILALANIN ANG CAST NG BRIDE OF THE WATER GOD SA GALLERY NA ITO: