
Grateful ang Sparkle star at bida ng seryeng Abot-Kamay na Pangarap na si Jillian Ward para sa natatanggap na suporta ng kanilang afternoon prime series.
“Lahat po kami, sobrang thankful po kay God. Thankful din po kami sa isa't-isa, sa lahat po sa bumubuo sa show, sa GMA, sa mga sumusuporta po sa amin,” sabi ni Jillian sa interview niya kay Lhar Santiago sa 'Chika Minute' para sa 24 Oras.
“Iba po kasi talaga e, parang may magic po dito sa taping, sobrang saya po naming lahat,” dagdag pa ng aktres.
Aminado naman ang aktres na kahit masaya sila sa tinatamasang tagumpay ng kanilang medical series ay malaki din ang pressure sa kanila.
“Kasi siyempre kailangan po kada episode, kada may ilalabas po kami, dapat mas nahihigitan po namin 'yung sarili namin,” sabi nito.
Kailan lang ay ipinagdiwang ng Abot-Kamay na Pangarap ang kanilang anniversary at ibinahagi ni Jillian ang mga dapat pang abangan hindi lang sa serye, kundi pati ang pag-cross-over ng karakter niyang si Doc Analyn sa primetime mystery-thriller series na Royal Blood.
BALIKAN ANG PAG-CROSS-OVER NI DRA ANALYN SA 'ROYAL BLOOD' SA GALLERY NA ITO:
Bukod sa unang anibersaryo ng serye ay ipinagdiriwang din ni Jillian ang pagkakabansag sa kanya bilang 'Star of the New Gen.' At nang tanungin ang aktres kung ano ang pakiramdam nito, ang sagot niya, “Nakakagulat nga po siya!”
“Ewan ko po, hindi po kasi ako sanay talaga sa mga ganyan, lagi po akong nagugulat. Kumbaga, hindi ko po in-e-expect kung ano man po 'yung dumarating. Basta nag-e-enjoy lang po ako at binibigay ko 'yung best ko,” ani ng aktres.
Ibinahagi rin ni Jillian masaya siya ngayon sa pagkanta at pagsayaw ng live sa stage. Ngunit nilinaw ng aktres na mahal na pa rin nito ang pag-arte.
“Sobrang mahal ko po 'yung acting, ito po 'yung ginagawa ko buong buhay ko. Pero kasi po 'pag nasa stage po ako, 'yun din po talaga 'yung time na nakaka-connect po ako with my supporters,” sabi nito.