
Napa-throwback si Jennylyn Mercado sa kanyang StarStruck journey isang taon bago ang kanyang 20th showbiz anniversary.
Sa kanyang Facebook post noong September 21, ibinahagi ni Ultimate Star Jennylyn ang lumang video niya na kuha nang mag-audition siya sa reality-based artista search na StarStruck.
Sulat pa niya sa caption, “[Isang] taon [na lang] at magcecelebrate na si Bessie ng kanyang 20 years mula ng pagka panalo sa Starstruck.”
Ini-repost ito ng asawa ni Jennylyn na si Dennis Trillo, na nagsabing, “Proud ako sa iyo mahal.”
TINGNAN ANG JOURNEY NI JENNYLYN MULA STARSTRUCK HANGGANG MAGING ULTIMATE STAR:
Sa hiwalay na post naman, nag-share ang isang admin sa Facebook page ni Jennylyn ng luma niyang video habang kinakanta ang “Sa Aking Panaginip.”
“Namiss niyo na bang kumanta ang ating Ultimate Star? Album please Jen!”nakasulat sa caption nito.
Si Jennylyn ang itinanghal na kauna-unahang Female Ultimate Survivor sa talent search program na StarStruck, habang si Mark Herras naman ang Male Ultimate Survivor. Samantala, itinanghal naman sina Yasmien Kurdi at Rainer Castillo bilang First Princess at First Prince.
Sa ngayon, may dalawang anak na si Jennylyn--si Alex Jazz, sa dati niyang nobyong si Patrick Garcia; at si Dylan, sa asawa niyang si Dennis.
Abala ngayon ang aktres sa ginagawa niyang teleserye, ang Love. Die. Repeat., kasama si Xian Lim.