Showbiz News

Bride of the Water God: Kahilingan ni Lara | Finale

By Aimee Anoc

Sa ikahuling linggo ng Bride of the Water God, mula sa kaharian ng mga diyos bumalik si Habaek (Nam Joo-hyuk) sa mundo ng mga tao para makapagpaalam kay Lara (Shin Se-kyung).

Kinumpronta naman ni Lara si Habaek kung bakit hindi sinabi sa kanya ng huli na isa ring diyos si Henry (Lim Ju-hwan). Hindi naman naiwasan ni Habaek na magselos dahil sa pagiging malapit ng dalawa sa isa't isa.

Si Lara ang nagpalakas sa loob ni Henry nang magduda ito sa sarili na wala na siyang pag-asang magbago. Ipinaalala rin ni Lara sa huli ang mga kabutihang nagawa nito sa mundo ng mga tao at pinayuhan na piliin na lamang nito na maging isang tao. Ipinangako naman ni Lara kay Henry na kahit na anong mangyari ay magiging kakampi siya nito.

Samantala, nahanap na ni Habaek ang ama ni Lara. Nabigyang kasagutan na rin ang mga katanungan noon ni Lara tungkol sa kanyang ama at nalaman nitong hindi siya inabandona ng kanyang ama at ito ang nagligtas sa kanya noong gabing tumalon ito sa ilog.

Napahagulhol na lamang si Lara nang malamang wala na ang kanyang ama at nakiusap kay Habaek na iligtas ito. Pero walang kakayahan si Habaek na bumuhay ng taong namatay na. Hindi naman naiwasan ni Lara na sisihin ang sarili sa pagkamatay ng ama.

Dumagdag sa lungkot na nararamdaman ni Lara nang malaman ang katotohanan na maaaring mamatay si Habaek kapag hindi ito bumalik sa kaharian ng mga diyos at maging isang hari. At sa oras na mamatay si Habaek ay mawawala na rin ito sa alaala ng lahat ng tao, kasama na si Lara.

Para maibigay ang kasiyahan ni Lara, isinakripisyo ni Habaek ang sarili at ibinigay ang huling kapangyarihan nito kay Lara para muling makita ng huli ang ama nito na nakahimlay sa ilalim ng ilog. Dahil ginamit ni Habaek ang kapangyarihan kay Lara, wala na itong kakayahang makabalik sa kaharian ng mga diyos nang mag-isa.

Kaya naman naisip ni Lara na gamitin ang kahilingan nito para makabalik si Habaek sa kaharian ng mga diyos. Sa pagdating ng high priest, sinabi nito kay Lara na hindi niya kailangang sayangin ang kahilingan nito sa pagpapabalik kay Habaek sa kaharian ng mga diyos dahil nakumpleto naman na ni Habaek ang misyon nito at makakabalik siya sa kaharian.

Dahil dito, hiniling ni Lara na makasama si Habaek sa mundo ng mga tao hanggang sa mamatay siya. At sa oras na mamatay si Lara ay maaari na itong bumalik sa kaharian ng mga diyos at maging isang hari.

KILALANIN ANG CAST NG BRIDE OF THE WATER GOD SA GALLERY NA ITO: