Showbiz News

Sanya Lopez, muntik nang sumuko sa showbiz noon

By Kristian Eric Javier

Kahit pa malaki na ang tinatamasang success ng First Lady of Primetime na si Sanya Lopez, inamin nito na minsan na niyang naisip na sumuko at nagdalawang-isip kung para sa kanya ba ang pag-aartista.

Sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa contract signing niya sa Amara Shia Jewelry sa Pasay, ibinahagi ni Sanya ang dahilan kung bakit minsan ay naisip niyang sukuan na ang mundo ng showbiz.

“Kasi minsan napapagod ka din e. Tayo as tao, lahat tayo dumadating sa point na napapagod din,” kuwento nito.

Dagdag pa ng aktres, “May time na gusto mo nang sumuko talaga kasi pakiramdam mo, 'Akin pa ba 'to? Karapat-dapat ba 'to, tama ba 'tong dinadaanan ko, para sa'kin ba talaga 'to?'”

Ngunit ayon kay Sanya, na-realize niya na dumadating pala ang mga moments na iyon sa isang tao dahil kailangan itong malagpasan para matuto.

“Dahil 'yung susunod na ibibigay sa'yo, dapat mas kayanin mo pa at 'pag nagawa mo 'yun, 'yun 'yung masarap sa pakiramdam kasi naging successful ka.

BALIKAN ANG MOST MEMORABLE ROLES NI SANYA SA GALLERY NA ITO:

Ayon pa sa aktres, ang nagtulak sa kanya para ipagpatuloy ang karera sa showbiz ay ang mga taong naniniwala at sumusuporta sa kanya.

“Siyempre, sabi ko nga 'yung mga boss na nagtitiwala sa'kin, importante sila. 'Yung mga supporters ko na palaging nandiyan, sinasabi nilang 'kaya mo 'yan!' nag chi-cheer para sa'yo, and of course, my family,” sabi nito.

Dagdag pa ni Sanya ay malaki rin ang impuwensya ng tiwala sa kanya ni Master Showman German Moreno, na siya ring nakadiskubre sa kanya, para ipagpatuloy ang pagiging artista.

“Siyempre ayaw mo siyang mabigo doon sa pangarap niya para sa'yo kaya pinagpatuloy ko 'yun,” kuwento nito.

Sinabi rin ni Sanya, “Ang maganda dito, hindi ako nagsisi kasi mas lalo ko pang minahal 'yung trabaho ko.”