Showbiz News

Mark Herras: Ang inspirasyon ni Miguel Tanfelix sa showbiz

By AL KENDRICK NOGUERA


 
Iilan lang sa StarStruck Kids ang ipinagpatuloy ang kanilang career sa showbiz. Kabilang sa mga ito sina Kapuso actors Bea Binene, Sandy Talag, at ang bida ng bagong GMA Telebabad soap na Niño na si Miguel Tanfelix.
 
Sa interview ng GMANetwork.com kay Miguel, ikinuwento niya kung bakit siya nagdesisyong pasukin ang mundo ng showbiz. Ayon sa kanya, malaki ang naging ambag ni Mark Herras sa kanyang pag-aartista dahil iniidolo niya raw ito nang manalo siya sa kauna-unahang StarStruck.
 
Nang tanungin namin kung sino ba ang nagtulak kay Miguel na mag-artista, sinabi niyang walang kinalaman ang kanyang mga magulang sa desisyon niyang ito. Siya raw talaga ang may gustong pumasok sa showbiz. Sa edad daw na 6 years old ay desidido na siyang maging next big star.
 
Kuwento ni Miguel, kinulit niya ang ina nang mapanood ang announcement ng GMA noon sa audition ng StarStruck Kids. “Niyaya ko talaga si Mama noong nakita ko sa patalastas 'yung audition ng StarStruck Kids. Gustung-gusto ko talagang mag-audition kasi idol ko si Mark Herras,” saad niya.
 
Paliwanag niya, “Noong nakita ko siya [Mark Herras] sa StarStruck, parang gusto ko siyang gayahin kaya ako talaga 'yung nagpumilit na magpatuloy. Saka gusto ko talaga eh.”
 
Parehas na pagsasayaw ang naging advantage nina Miguel at Mark sa StarStruck. Naiuwi ni Mark ang titulong Ultimate Male Survivor dahil sa talent niyang ito. Samantala, nakuha naman ni Miguel ang First Kid Prince title sa tulong na rin ng kanyang dancing skills.
 
Halos 10 years na ang lumipas, nasa showbiz pa rin si Miguel. Hindi tulad ng ibang StarStruck Kids finalists, ipinagpatuloy niya ang pagiging artista dahil ito talaga ang childhood dream niya. 
 
Dahil hindi sumuko si Miguel, nabigyan siya ng pagkakataon na magkaroon ng sariling teleserye. Siya ang ginawang bida sa Niño, ang bagong GMA Telebabad soap.
 
Ibinahagi sa amin ni Miguel ang nararamdaman niya sa patuloy na pagsuporta sa kanya ng mga manonood. “Siyempre ako natutuwa rin ako na kahit paano hindi nila ako nakalimutan. Kasi 'di ba parang matagal na rin 'yung StarStruck Kids,” aniya.  
 
Abangan ang paglabas ni Miguel Tanfelix sa Niño, ngayong Martes na ng gabi pagkatapos ng 24 Oras.