Showbiz News

Boy Abunda, nais maglunsad ng LGBTQIA+ Census

By Kristian Eric Javier

Isa si King of Talk Boy Abunda sa LGBTQIA+ icons ng bansa. Kaugnay nito, ibinahagi niya kamakailan ang planong paglunsad ng isang census para sa komunidad na ito.

Sa interview niya kay Nelson Canlas para sa "Çhika Minute" ng 24 Oras, inamin ni Boy na hindi pa niya publikong ibinabahagi ang plano. Ngunit ayon sa kaniya, ang layunin nito, “Gusto ko bilangin kung iilan ang LGBT people in this country. Naniniwala ako that data is power.

“Kung malalaman natin kung ilan ang LGBT people in this country, simple lang 'yun. I will go to the Senate and say, 'Mga senador, pitong milyon ho kami. Gusto niyo ho bang pakinggan kami?'” pagbabahagi ng batikang host.

MAS KILALANIN PA SI KING OF TALK BOY ABUNDA SA GALLERY NA ITO:

Samantala, dahil nalalapit na ang isang taon ng kaniyang afternoon talk show na Fast Talk with Boy Abunda, tinanong ang batikang talk show host kung anong interview ang pinakatumatak sa kaniya.

“Napakahirap sagutin nun," agad na sagot ni Boy.

Patuloy niya, “Kasi, bawat interview ay napaka-unique. Ang nadidiskubre namin sa Fast Talk is what seems is not always what is. I don't judge my interviewee, we don't condescend. Naniniwala kami that everybody has a story.”

Pagdating naman sa usapin ng tagumpay, itinuturing niyang isa na siya rito ngunit depende pa rin sa “measure ng success.”

Dito, inalala ni Boy ang mga panahon naging pagala-gala siya sa Manila, natutulog sa mga bangko ng Luneta, at walang makain.

“Kalabisan naman siguro kapag sinabi kong hindi ako naging matagumpay,” dagdag pa nito.

Inalala rin niya ang namayapa niyang ina at aminado siya na nung tumama ang Covid-19 ay mas inisip niya ang lagay ng kaniyang nanay kaysa sa kaniyang sarili.

“I was making sure that she's ok. Now that she's gone, iba na 'yung dynamics ng buhay namin,” sabi nito.

Inamin niyang nandiyaan pa rin ang sakit sa pagkawala ng ina at umiiyak pa rin siya paminsan-minsan, ngunit sinabi niya ayaw niyang mawala ang sakit.

“I keep on saying this, I want the pain to stay because that connects me to my mother,” paliwanag niya.

Nang tanungin kung ano ang mensahe niya para sa new generation, ang sagot ni Boy, “Be the best of who you are, and be the best in all that you do. Be true to who you are, and say I love you. Articulate, speak it, 'Nanay, I love you.'"