Showbiz News

Gladys Reyes is Thea Tolentino's kontrabida idol

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

 
Nakitaan ng potential si Kapuso actress Thea Tolentino sa pagiging magaling na kontrabida nang pumasok siya sa remake ng AnnaKarenNina noong nakaraang taon kasama sina Barbie Forteza, Joyce Ching at Krystal Reyes. 
 
Dahil sa ipinakitang galing ni Thea sa pagmamaldita sa nasabing teleserye, ngayon ay binigyan na siya ng GMA ng show na naka-focus sa kanyang pagiging kontrabida, ang The Half Sisters.
 
Pagkatapos masungkit ni Thea ang titulo bilang Protégé Season 2 female winner ay naghintay lang siya ng kaunting panahon bago siya magkaroon ng sariling teleserye. Last year lang nang bumida si Thea sa Pyra Babaeng Apoy.
 
Kung dati ay inaapi-api ang character ni Thea na si Pyra, ngayon ay malaki ang pinagkaiba ni Ashley sa The Half Sisters dahil siya naman ang mang-aapi sa character ni Barbie Forteza na si Diana.
 
Ayon kay Thea, nagugustuhan niya raw na nalilinya siya sa kontrabida roles. Sa katunayan nga raw ay may gusto siyang gayahing style sa isa sa mga beteranong Kapuso actors na nakatrabaho niya.
 
“Isa sa mga nakatrabaho ko [sa Pyra Babaeng Apoy] si Ate Gladys Reyes. Siya 'yung actress na talagang open. Magsa-suggest siya, sasabihin  niya - Anak, gagawin ko 'to ah. Baka mabigla ka lang, ganoon. As in mayroon siyang sariling process para mas maging maganda 'yung  scene na gagawin niya,” saad ni Thea.
 
Kuwento pa nga ni Thea, may isang scene sila ni Gladys na hinding-hindi niya makakalimutan. “'Yung huling scene namin sa Pyra, sinampal niya ako.  Tapos kinabukasan, sabi ko - ano 'to, make up ba 'to? Ay pasa! (laughs) May pasa ako [sa pisngi]. Hindi naman siya masakit, nagkaroon lang ng pasa,” aniya.
 
Pero ayon kay Thea, bilang propesyunal na artista ay naiintindihan niya naman na may mga hindi inaasahang puwedeng mangyari sa shoot lalo na kapag may sakitang magaganap sa scenes. Dagdag niya, “Mas magiging natural. Lalabas talaga 'yung totoong reaction.”

Paglilinaw ni Thea, malayung-malayo ang matapang na mukha ni Gladys sa kanyang ugali sa totoong buhay. “May dating si Ate Gladys na talagang matapang. Matapang naman siya  pero sobrang bait ni Ate Gladys,” pahayag ni Thea.
 
Abangan si Thea Tolentino bilang Ashley Alcantara sa The Half Sisters, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime.