Showbiz News

Alessandra de Rossi gets extra candid about extra-marital affairs

By SAMANTHA PORTILLO
PHOTO BY BOCHIC ESTRADA 

Isa si Alessandra de Rossi sa mga kinikila sa kanyang husay sa pag-arte. Pagdating sa pagsagot ng mga maiinit na tanong tungkol sa pag-ibig, wala siyang inuurungan. Uubra kaya ang mga lalaking nangangaliwa sa Ang Dalawang Mrs. Real star?
 
Gumaganap si Alex bilang Sandy sa drama series. Siya ang dating nobya ni Anthony (Dingdong Dantes), na ngayon ay isa nang mabuting kaibigan ng asawa ni Anthony na si Millet (Maricel Soriano). 
 
Ano kaya ang masasabi niya sa mga komplikadong sitwasyon sa pag-ibig? Ano'ng klaseng mga desisyon ang gagawin niya?
 
Naniniwala ba siya na mas madaling hulihin ang manok na nakatali na?
 
Sagot niya, “Well, sabi nila ganoon, pero bakit ka aakting na manok, eh tao ka ‘di ba? Huwag mong ikumpara ang sarili mo sa manok dahil wala naman silang kamay, pakpak lang. Hindi ka naman kayang itulak ng manok, ‘di ba?”
 
Bakit mas madaling maghanap ng ibang lalaki or babae sa trabaho?
 
Aniya, “Kasi sa bahay nasa comfort zone ka pero sa work kasi, once makahanap ka ng makaka-connect sa iyo tapos magkakaroon ka ng comfort doon, siyempre kung sad ka, puwede kang ma-in love lalo na sa industry namin. Lahat nakabihis ng maganda, ang aayos ng mga tao, tapos minsan hindi lang guwapo, matalino pa. Wala, tapos na ang kuwento, ‘di ba?”
 
Bakit may mga nanloloko at nangangaliwa?
 
“Naniniwala ako na may kulang sa sarili mo kaya mo nagagawa iyon. Kasi ‘yung mga reasons na isisisi mo sa partner mo, nagiging reasons na lang iyon dahil nakakita ka ng iba. Dati naman, willing kang i-tolerate ‘yung mga ganoon, so ikaw mismo ang may emptiness sa sarili mo kaya ka nagche-cheat,” pananaw ni Alex.
 
Handa ba siyang magpatawad sa taong nanloko sa kanya?
 
Ani Alex, “Sa lahat ng pinagdaanan ko, oo. Wala pa akong nakikita na nagloko once na hindi na umulit. Ayokong sabihing hindi na nangyayari iyon, pero sa alam ko lang, magti-30 years old pa lang naman ako. Tanungin mo ulit ako kapag 50 na ako. Baka iba na ang sagot ko.”
 
Naniniwala ba siyang puwedeng magmahal ng dalawang tao nang magkasabay at magkapantay?
 
“Hindi. Try mo kapag sabay ‘yung birthday nila kung sino ‘yung pupuntahan mo. Kung sino ‘yung pupuntahan mo, malamang mas mahal mo ‘yun. Imposibleng pareho.”