TV

'Tinapay' ng 'Makiling' Boys, pinagpiyestahan online

By Jimboy Napoles

Bentang-benta ngayon online ang “Tinapay” meme photo ng Makiling actors na sina Derrick Monasterio, Kristoffer Martin, Royce Cabrera, at Teejay Marquez.

Sa isa kasing larawan na inilabas ng GMA Public Affairs sa social media, makikita ang mga namumutok na abs ng apat na aktor kung saan sila ay topless habang nasa isang sapa.

Kinunan ito habang nagbabanlaw ang apat matapos ang kanilang matinding bugbugan sa set. Pero sa kisig ng apat, mahuhuluan niyo ba kung sino sa kanila ang nambugbog at napuruhan?

Sa gigil ng netizens, hindi napigilan ng ilan na i-post din ang kanilang mga paboritong “Tinapay.”

May nag-post ng kanilang cupcake, croissants, ensaymada, at brownies tampok ang picture ng kanilang mga boyfriend at mister.

May isang netizen naman gutom na gutom at kaya niya raw ubusin ang mga “Tinapay” ng Makiling boys.

RELATED GALLERY: Sampalan nina Elle Villanueva at Thea Tolentino sa 'Makiling,' totohanan?

Masaya naman ang mga aktor na sina Derrick, Kristoffer, at Royce sa suportang ibinibigay sa kanilang mga tao bago pa man magsimulang umere ang Makiling.

“Nakakatuwa 'yung mga comments ng mga Kapuso natin dahil na-appreciate nila 'yung hard work namin. Kasi dito sa Makiling, kailangan physically fit kami dahil maraming bakbakan na dapat abangan,” ani Derrick.

“Sa Makiling, magkaka-away kami rito pero sa photo na 'yan para kaming mga bata na naligo sa ilog matapos i-shoot 'yung bugbugan scene namin,” sabi naman ni Kristoffer.

“Naku! Salamat sa mga Kapuso natin. Hayaan ninyo at mag-aalok kami ng pandesal soon! Abangan n'yo rin kung ako ang nambugbog o ako ang nabugbog!” mensahe naman ni Royce.

Ang Makiling ay ang upcoming mystery revenge drama ng GMA Public Affairs na pinagbibidahan nina Elle Villanueva at Derrick Monasterio.

Kung nagutom na kayo sa pa-”Tinapay” ng apat na Makiling boys, 'wag mag-alala dahil marami pang mga patikim na behind the scenes dahil talagang sineryoso at pinaghandaan ng buong cast ang pinakaunang pasabog na drama sa hapon ng GMA sa 2024 - ang Makiling.