
Damang-dama na ang Miss Universe fever sa bansa dahil marami na ang excited sa journey ng pambato ng Pilipinas na si Michelle Dee sa prestihiyosong pageant, na gaganapin sa José Adolfo Pineda Arena sa San Salvador, El Salvador sa Sabado, November 18.
Pero pinaka-excited sa lahat ang ina ng Sparkle artist na si Miss International 1979 Melanie Marquez, na itinuturing na number one supporter at lucky charm ni Michelle.
Bago tumulak pa-El Salvador kahapon, November 14, para suportahan ang anak, eksklusibong nakapanayam ni Cata Tibayan si Melanie para sa 24 Oras.
Ayon kay Melanie, mixed emotions siya sa nalalapit na coronation night ng Miss Universe 2023.
"Kinakabahan ako sobra. Sabi ko, nae-excite ako na 'di ko alam. Parang ako 'yung sasali. Sabi ko, no'ng ako kandidata, 'di ako kinabahan. Pero this time, parang sabi ko, stage mother ata ako talaga," ika niya.
Ipinahayag din ni Melanie ang kanyang paghanga sa anak. "I'm just so proud of her 'cause she really works so hard. Nakita ko talaga 'yung sipag n'ya, 'yung dedication n'ya, focus."
TINGNAN ANG MISS UNIVERSE JOURNEY NI MICHELLE DEE SA GALLERY NA ITO.
Nagbigay naman ng payo si Melanie kay Michelle. Aniya, "I know that she has her own style. I can't tell you exactly what to do but, sabi ko, just be relaxed and meditate through prayers."
May mga bitbit pang Philippine flags si Melanie para ipamigay sa supporters ni Michelle sa El Salvador.
Ngayon pa lang, labis na ang pasasalamat niya sa FIlipino supporters ng kanyang anak lalo na at si Michelle ang nanguna sa Voice for Change online voting ng Miss Universe 2023.
Pahayag ni Melanie, "I just want her to know that it's not only me who loves her so much or her dad, but a lot of people love her because we saw her dedication."
Panoorin ang buong ulat sa video sa itaas.