Showbiz News

Bagong historical action-drama ng GMA na 'Pulang Araw,' mapapanood sa 2024

By Jimboy Napoles

Mga Kapuso, muling mag-aalab ang inyong mga damdamin sa pagdating ng pinakamalaking historical action-drama ng GMA para sa 2024 - ang Pulang Araw.

Mula sa Kapuso “Master Series” na Amaya hanggang sa matagumpay na historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra, muling bubuhayin ang ating dugong Pinoy sa kuwento ng Pulang Araw.

Humandang magbalik-tanaw sa nakaraan, dahil ibabahagi ng serye ang mga kuwento ng katapangan, sakripisyo, at pagiging makabayan ng mga Pilipino noong panahon ng mga Hapones sa Pilipinas kasabay ng World War II.

Bukod pa rito, minsan lamang mangyari na magsasama-sama ang apat sa pinakamalalaking bituin ng GMA sa isang serye, kabilang sina Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza, “First Lady” ng Primetime na si Sanya Lopez, Pambansang Ginoo na si David Licauco, at Asia's Multimedia Star Alden Richards.

Bibigyang-buhay ni Alden ang karakter ni Eduardo, isang matapang at maprinsipyong binatang Pilipino. Gaganap sina Barbie at Sanya bilang magkapatid na sina Adelina at Teresita, dalawang dalagang Pilipina na magiging Bodabil stars sa panahon ng mga Hapon. Ang karakter naman ni David bilang isang Hapones na si Hiroshi ay magbibigay kulay din sa kuwento ng Pulang Araw.

Sa pakikipagtulungan ng produksyon sa mga historian at World War II survivors, ilalahad ng Pulang Araw ang mga kuwentong tiyak na malapit sa bawat Pilipino, mga kuwentong pamilyar sa lahat - saksi man o hindi sa naganap na pananakop ng mga Hapon noon.

Ang Pulang Araw ay sa ilalim ng direKsyon ni Dominic Zapata at sa panulat ni Suzette Doctolero.

Para sa iba pang detalye tungkol sa Pulang Araw, bisitahin ang GMANetwork.com.