Showbiz News

Gladys Reyes, marami raw masasampal na character sa 'Black Rider'

By Kristian Eric Javier

Matapos ang ilang taon ay balik sa pagiging kontrabida si Gladys Reyes sa kaniyang role na Madame Sasha Buenaventura sa action-drama series na Black Rider. Ayon sa aktres ay kailangan abangan ng mga manonood kung sino-sino ang makakatikim ng kaniyang sampal sa serye.

“Siyempre unang-una na nakatikim si Zoren (Legaspi),” pagbabahagi ni Gladys sa interview niya sa Updated with Nelson Canlas podcast.

Gaganap si Zoren bilang si Mayor Alfonso Buenaventura na asawa ni Madame Sasha. Paglalarawan ni Gladys sa kaniyang karakter, “Naku, talagang masama.”

“To the point na pati yung sarili niyang asawa, ayun ang abangan nila. Kung ano yung gagawin ni Madam Sasha sa sarili niyang asawa,” pagbabahagi ni Gladys.

Dagdag pa nito, “So imaginin mo, hindi na niya sinasanto kumbaga sa term na ano 'no, kahit sarili niyang asawa, kaya niyang taluhin. Para lang sa kapangyarihan, para lang sa power ika nga.”

KILALANIN ANG MGA BAGONG KAPUSO KONTRABIDAS SA GALLERY NA ITO:

Ibinahagi rin ng aktres na sa presscon ng kanilang serye ay niloloko siya ng mga dumalo na baka magselos ang asawa ni Zoren na si Carmina Villarroel dahil sa pagiging “patay na patay” ni Alfonso kay Sasha.

“Kaya niloloko ko nga nung una na, 'sigurado ba kayo ako talaga 'yung role ni Sasha?' Sabi ko kasi talagang grabe yung pag-adore ika nga ni Mayor Alfonso or ni Zoren doon sa character nga namin,” sabi ni Gladys.

Ngunit nilinaw naman nito na masaya lang ang bonding nila ng kaniyang mga co-stars off-cam.

Ibinahagi rin ni Gladys na na-miss niya ang pagiging kontrabida, at na kahit ang mga manonood ay hinahanap-hanap ang mga pagtataray at pananampal niya. Ikinuwento rin ni Gladys kung papaanong kapag nasa labas siya ay may mga taong lumalapit para magpasampal.

“'Pag nakikita nila ako halimbawa sa labas. Alam mo bang ang dami nag-a-approach sa'kin para lang sabihin na, 'Pwede po magpasampal?' Nakakatawa,” kuwento ng aktres.

Ang sagot niya sa mga humihiling ng sampal, “Sigurado ka ba? Alam mo, baka masira yung araw mo. Baka hindi ka makabalik sa inyo. Baka injured ka pagbalik mo sa inyo. Kino-comedy ko na lang. Kasi ayaw ko naman, ayoko naman may sampal,” paglilinaw niya.

Ngunit kahit ganu'n ay meron pa rin umanong namimilit at gusto pang kunan ng video ang alitan at sampalan nila kuno. Pinagbibigyan man niya minsan ang ilang mga request, nilinaw naman ni Gladys na hindi niya tinotodo ang sampal.

Pakinggan ang buong interview ni Gladys dito: