Showbiz News

Miss Gloria Romero: Ang idol ng 'Niño' young stars

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

 
Maraming veteran actors ang kabilang sa cast ng Niño kaya’t naniniwala ang Kapuso young stars na sina Miguel Tanfelix, Bianca Umali, at Julian Trono na napakasuwerte nila dahil nakakatrabaho nila ang mga ito.
 
Kung dati ay napapanood lang nila sa kanilang mga telebisyon noon sina Gloria Romero, Dante Rivero, Angelu de Leon, at iba pang co-star nilang veteran actors, ngayon ay dream come true na raw sa kanila dahil nakaka-eksena na nila ang mga ito.
 
Ayon kay Miguel, hindi naman daw mawawala ang pressure dahil napakahuhusay ng mga batikang aktor na kasama niya ngayon sa kanyang first title role. Pero nilinaw niya na nakabubuti naman ang pressure na ito dahil nagsisilbi itong challenge sa kanila para mas galingan nila ang pag-arte.
 
Nang tanungin namin sina Miguel, Bianca at Julian kung sino ang pinaka-paborito nilang veteran cast member, pare-pareho nilang isinagot ang pangalan ni Miss Gloria Romero.
 
Kuwento ni Bianca, umpisa pa lamang daw noon ng taping ay madalas na silang kinakausap ng batikang aktres para bigyan ng tips. Sa katunayan nga ay hinding-hindi niya raw makakalimutan ang first conversation nila.
 
“It was lunch time and magkakasama kami. And then ang dami na niyang naituro in just how many hours. Noong lunch time lang, ang dami na niyang nasabi at ang dami ko ring natutunan,” ani Bianca.
 
Dagdag niya, “So na-excite ako sa ibang lessons or iba pang maipaparating niya sa amin. Grabe ang dami ko pang matututunan sa kanya. I'm really excited.”
 
Paniniwala naman ni Miguel, kaya raw malapit si Gloria Romero sa mga tulad nila ay dahil sa ganoong edad din siya nag-umpisa dati. “Nagsimula rin siya sa katulad namin kaya't alam niya po kung paano i-handle 'yung mga bagay-bagay. Kung may problema kayo, puwede niyo po siyang lapitan,” saad niya.
 
Ayon naman kay Julian, gusto niya raw marating ang kinalalagyan ngayon ng batikang aktres. Dagdag pa niya, “Nakita ko 'yung inventions niya sa past characters niya. Wow! Sana matutunan din namin 'yon!”