Showbiz News

Chef Boy's life lesson: Kapag nahihirapan ka, huwag mo iisipin na hanggang dun ka na lang sa buhay

By MARY LOUISE LIGUNAS

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

 
Bago pa man siya maging chef, maraming napagdaanan si Chef Boy Logro.
 
Sa murang edad, pinili niyang pansamantalang iwanan ang kanyang pamilya sa probinsya para maging all-around house boy sa isang Chinese restaurant sa Maynila. Nagsilbi rin siya bilang dishwasher sa iba pang restaurant.
 
Hindi man naging madali ang kanyang pinagdaanan, proud si Chef Boy sa kanyang kuwento at masaya siya dahil binigyan siya ng pagkakataon na ipamahagi ito sa Magpakailanman.
 
“[Sana napulutan] nila ng magangandang aral yung buhay ko. Flattered na flattered ako dahil sa chance na binigay ng GMA. Napakagandang palabas ng Magpakailanman kaya’t nagpapasalamat ako sa tiwala nila,” sabi ni Chef.
 
Ikinuwento niya sa GMANetwork.com na isa sa pinakamalaking dagok sa kanyang buhay ay ang hindi nila pagkakaunawaan ng kanyang panganay na si Richard dahil sa desiyon nitong tumigil sa pag-aaral at magpakasal nang hindi nila nalalaman.
 
“Syempre gusto ko makatapos sila kaya frustrated ako nung huminto siya,” kuwento ni Chef Boy. Naging masakit ang kabanata na ito ng kanyang buhay kaya’t sobra naman ang saya na kanyang nadama nang maayos ang kanilang alitan. “Nagkabalikan ang pamilya at nag-aral siya ulit kaya happy ending,” dagdag niya.
 
Sa dami ng kanyang pinagdaanan, ano ba ang mga natutunan ng isa sa pinakasikat na celebrity chef ngayon?
 
“[Natutunan ko] na kapag nahihirapan ka, huwag mo iisipin na hanggang dun ka na lang sa buhay. Magsikap, magpursige at siyempre magdasal. Posibleng makamtan ang liwanag at umasenso sa buhay kung mabubuhay tayo bilang mabubuting tao,” aniya.