Showbiz News

Pinay OFW noon, isa nang haciendera sa Switzerland

By Kristian Eric Javier

Dahil sa kakulangan ng oportunidad sa Pilipinas at sa hirap ng buhay, marami sa mga Pilipino ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa bilang mga Overseas Filipino Workers o OFW. Ngunit isang dating OFW na walang sariling lupa para pagsakahan ang pamilya ay nagsikap at ngayon ay isa nang haciendera sa Switzerland.

Sa Kapuso Mo, Jessica Soho, ibinahagi ni Mila Fajardo Buser kung gaano kahirap ang naging sitwasyon nila noong mga bata pa sila. Ayon sa kaniya, dahil sampu silang magkakapatid ay hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral lalo na at farmer na walang sariling lupa ang kanilang ama.

“Kaya nga po nag-decide ako na pupunta ng Saudi kasi nakita ko sa pamilya na hindi ako makakapag-aral talaga nito, sabi ko. Kaya 'yun, nagpunta ako sa Saudi para matulungan ko ang pamilya ko,” kuwento niya.

Ngunit kahit makarating na sa Saudi at nagtrabaho bilang isang domestic worker ay hindi pa rin naging madali ang pinagdaanan ni Mila dahil ayon sa kaniya, namatay ang kaniyang ama habang nasa ibang bansa siya.

Ang masakit pa nito, hindi man lang siya nakauwi dahil wala siyang pamasahe.

“Kung saan-saan po kami kumukuha nun… Lumapit po kami sa mga kamag-anak namin. 'Yun bang para kumbaga pamasahe lang. I mean 'yung baon ko. Wala pong nagbigay kahit isa,” pagbabahagi niya.

Naikuwento rin ni Mila kung gaano na niya ka-miss ang kaniyang ama at minsan ay naaalala niya kung papaano siya tinanong noon ng kanyang tatay kung kaya ba niyang mangibang bansa kahit 16-17 years old pa lang siya noon.

Ang sagot niya, “Kaya ko.”

“Tapos ang nanay ko iyak siya nang iyak nun kasi nag-decide talaga ako pupunta ng Saudi kasi nakita ko 'yung hirap ba,” kuwento niya.

Mula Saudi ay nakipagsapalaran din si Mila sa Switzerland, kung saan nakilala at na-love at first sight sila ng asawa na niya ngayon na si Paul Busel, na gaya niya ay nagmula rin sa pamilya ng mga magsasaka.

Kaya naman, gamit ang maliit na lupang panimula ay nagtayo sila ng isang farm at ibinebenta ang mga ani nila sa Basel City. Ibinahagi rin ni Mila kung papaano sila nagtulungang mag-asawa para palakihin at pag-aralin ang lima nilang anak at palaguin ang kanilang farm, hanggang sa makabili sila ng 22 hectares na hacienda.

Sinabi rin ni Mila na masayang-masaya na siya sa buhay nila sa Switzerland, at aminadong mas maganda na ang buhay nila rito ngayon kumpara noong nasa Pangasinan siya. Ngunit hindi pa rin niya nakalimutan ang kaniyang pamilya sa Pilipinas.

“Nung nag-ask po ako sa asawa ko kung gusto niyang bumili ng lupa sa Pilipinas kasi mura lang po nung panahon na 'yun, 'yun, pumayag naman po siya kaagad,” kuwento niya.

Ang 5,214 square meters na farm nila sa Pangasinan ay ipinaubaya ni Mila sa kaniyang kapatid na si Bregida Ponce at pamangkin niyang si Frank Saldivar, na inaming malaking tulong ang farm sa pang araw-araw nilang pagkain.

“Pasalamat po ako na siya ang tumutulong sa amin hanggang andun sa Switzerland, sila ang nagtutulong sa amin. Hindi kami mahirapan ngayon,” sabi naman ni Bregida.

Ayon naman kay Mila ay masaya siyang matulungan ang kaniyang pamilya at hindi niya sila nakakalimutan.

Panoorin ang buong segment dito: