Showbiz News

Alden Richards, hate na hate ng 'Family of Two' writer noon

By Nherz Almo

Masayang napagkuwentuhan ng Family of Two team ang unang impression ng writer nitong si Mel Mendoza-del Rosario kay Asia's Multimedia Star Alden Richards sa media conference nito kamakailan.

Habang pinag-uusapan kung paano na-cast ang mga actor sa naturang pelikula ng 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF), nabanggit ni Mel na hindi niya aakalaing magiging available si Alden para maging bahagi nito.

“On top of the list is Alden. Pero sabi ko, 'Naku, mas busy pa 'yan sa presidente ng Pilipinas.' Nega ako. Ang hirap kasi sa mga artista yung mga hindi available kaya talagang hulog ng langit,” pag-alala niya.

Sabay turo niya kay Alden, “Pero hate ko pa siya noon. Di ba, hate pa kita noon?”

Natatawang biro naman sa kanya ni Alden, “Ikuwento mo yung exact words na sinabi mo sa akin and yung delivery mo sa akin… kung paano tayo nagmahalan.”

Hirit naman ng batikang movie and TV screenwriter, “Wala akong natatandaan.”

Kasunod nito ay inilahad niya ang unang pagkikita nila ng Kapuso actor.

“Ano yun, workshops. Siyempre, galing akong [ABS-CBN], so sabi ko, 'Ayaw ko 'yan si Alden, hate ko siya. Ayaw ko talaga siya. Ayaw ko siya. 'Pag pupunta ako sa workshops, hindi ko siya gugustuhin.'

“'Tapos, pagpasok niya, 'Hi po.' Ang bait. Siyempre, alam mong ang hirap awaying yung mabait.

“Pero sabi ko pa rin sa kanya, 'Alam mo, ayaw ko pa rin sa 'yo.' Sabi niya, 'Bakit po?' 'Walang reason, ayaw ko lang sa 'yo,'” natatawang kuwento niya.

Dagdag pa niya, “Sabi niya, 'Sisikapin ko po na magustuhan n'yo ako.' Sabi ko, 'Yun nga lang hindi kita ma-hate, kapag na-achieve mo, pwede na.'”

Hindi naglaon ay naiba na rin ang pakiramdam niya para sa isa sa mga bida ng pelikulang Family of Two.

Ani Mel nakita niya ang kabutihan ng loob ng aktor.

“You know, after ng workshops… Siyempre, after ng workshops, you share and discuss the characters. I realized na, ah, kaya pala marami siyang fans kasi mabait siya.

“So, parang binu-bully ko siya, ang bait niya talaga. Naiinis ako kasi di nga pumapatol. 'Tapos noong medyo midway [ng shoot], tinatanong niya ako, 'Tita, mahal n'yo na ba ako?' Sabi ko, 'Medium pa lang. Hindi ka pa nakakarating.' He's not difficult to love.”

Sa huli tinanong si Mel kung ano na ang level ng pagmamahal niya kay Alden.

Nakangiting sagot niya, “Kumbaga, tatlong guhit na lang maximum na. Kasi, I really love his authenticity.”

Bukod kay Alden, mapapanood din sa Family of Two (A Mother and Son Story) sina Megastar Sharon Cuneta, Pepe Herrera, at Miles Ocampo, na nagwagi bilang Best Supporting Actress sa 2023 MMFF Gabi ng Parangal noong Miyerkules, December 27. Ang pelikulang ito ay idinirehe ni Nuel Naval sa ilalim ng Cineko Productions.

SAMANTALA, NARITO ANG ILAN PANG SPARKLE STARS NA NAGNININGNING SA 2023 MMFF: