Showbiz News

Euwenn Mikaell, pangarap maging isang kontrabida

By Kristian Eric Javier

Matapos gumanap sa isang dramatic role sa Metro Manila Film Fest entry nila na Firefly, sinabi ng Best Child Actor na si Euwenn Mikaell na isa sa mga gusto niyang gampanan na role ay ang maging superhero. Pero bukod pa rito, nais din niyang maging kontrabida someday.

Sa interview niya sa Surprise Guest with Pia Arcangel podcast, tinanong si Euwenn kung ano pang role ang gusto niyang gampanan bukod sa drama.

Ang sagot niya, “Superhero po, kahit ano pong superhero, 'tapos po villain, parang kontrabida po.”

Paliwanag ni Euwenn kung bakit niya gusto maging kontrabida, “Challenge po kasi. Gusto ko pong maranasan na parang laging galit dati.”

MAS KILALANIN PA SI EUWENN SA GALLERY NA ITO:

Ayon kay Euwenn, two years old pa lang siya ay gusto na niyang mag-artista. Naalala pa ng child actor na gumagawa pa lang siya noon ng mga commercial nang makita kung gaano kagaling ang ibang mga artista.

“May mga artista po kasi maganda po 'yung kasama, magagaling po sila mag-acting, kaya na-inspire po ako talaga sobra mag-artista,” kuwento niya.

Nagsimula maging aktor si Euwenn noong three years old pa lamang siya. Hindi pa siya magaling magbasa noon, kaya ang nanay niya ang nagbabasa ng script para sa kaniya para kakabisaduhin niya ito.

Bukod sa pagiging artista, nabanggit din ni Euwenn na gusto pa rin niya maging isang businessman paglaki. Na-inspire siya sa kaniyang papa at lola na nasa business din.

Pakinggang ang buong interview ni Euwenn dito: