
Trending ngayon ang bagong vlog ng aktres, na isa na ring content creator, na si Snooky Serna.
Ang kanya kasing guests sa bago niyang vlog ay ang veteran actors na si Leo Martinez at Gina Pareño.
Masayang nakipagkwentuhan si Snooky kina Leo at Gina tungkol sa kani-kanilang mga naging proyekto bilang mga aktor.
Sa kamustahan moments, ibinahagi ni Leo ang pagiging abala niya sa tapings para sa hit GMA series na Abot-Kamay Na Pangarap at iba pa niyang proyekto.
Ang batikang aktres naman na si Gina, abala ngayon sa paggawa ng content sa video-sharing app na TikTok.
Sa kalagitnaan ng vlog, nagbalik-tanaw sina Leo at Gina sa ilang mga naging proyekto nila noon.
Inalala ni Gina ang pagkakabilang at mga naging tagumpay niya sa ilang pelikula, gaya na lamang ng Kubrador noong 2006.
Pagbabahagi ni Gina, “[Naalala ko]… naka-tsamba po ako Best Actress award. Iyon po 'yung kauna-unahan ko… Mahal na mahal ko 'yun. Hanggang ngayon nasa kuwarto ko pa.”
Binalikan naman ni Leo ang kanyang mga naging proyekto noon tulad ng 1980 Filipino musical comedy film na Kakabakaba Ka Ba?
May ibinunyag pa si Leo tungkol sa cast nito, “Diyan nagsimulang magligawan sina Sandy Andolong at si Christopher de Leon.”
Samantala, kilalanin ang mga kaibigan ni Snooky sa showbiz sa gallery sa ibaba:
Bukod sa kanilang mga career, ilan pang mga rebelasyon tungkol sa kani-kanilang mga buhay ang napag-usapan nina Snooky, Leo, at Gina.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 55,000 views ang naturang vlog ni Snooky sa YouTube.