Showbiz News

Janno Gibbs, sinagot ang mga bumatikos sa kanilang family trip

By Nherz Almo

Nasa proseso pa rin ng pagluluksa ang pamilya ng yumaong si Ronald Valdez isang buwan makalipas ang pagpanaw ng batikang aktor.

Sa ginanap na media conference ng pelikulang Itutumba Ka ng Tatay Ko, inilahad ng direktor at lead actor nitong si Janno Gibbs kung paano sila ngayon sa kanilang pamilya.

“Family is the best comfort,” sabi ng aktor.

“Medyo sa ngayon, hindi kami pwedeng mapag-isa. So kung nasaan yung isa, kailangan dadamayan, sasamahan mo. Wala pa kami doon sa stage na yun… hindi pa kami pwedeng mag-isa, kailangan sama-sama kami.”

Nausisa rin si Janno tungkol sa pagbabakasyon nila ng kanyang pamilya sa Japan ilang linggo matapos ang pagpanaw ng kanyang ama.

Ayon sa kanya, nakatulong ito nang husto para kahit papaano ay mapagaan ang loob niya at ng kanyang pamilya.

Sabi ng actor-director, “That travel, which got some bashing also kasi sabi ng iba parang nagsasaya ka agad… That was a scheduled trip which noong una, one of kids said, 'Huwag na nating ituloy dahil nangyari ito.' Sabi ko, 'Hindi. The more that we should go through with it.'”

Diin pa niya, “We need it para makahinga, para makalayo sa tsismis and everything.”

Kaugnay nito, nagpapasalamat si Janno sa mga nakakaintindi sa kanila.

“May nam-bash pero, luckily, kinuyog naman siya ng ibang netizens. [May nagsabi], 'E, kanya-kanya tayo ng ways of grieving.' Mayroon kasi na nagsayaw pa ako, nag-TikTok ako."

A post shared by Janno Ilagan Gibbs (@jannolategibbs)

Paliwanag ni Janno, "Well, I didn't mean any harm, I didn't mean disrespect. Ayaw ko kasi in my social media, ayaw kong gamitin o pagkakitaan yung grief namin--yung puro na lang malungkot, nag-iiyakan. Parang ginagamit mo na yung sitwasyon. Ayaw ko naman [ng ganun].”

Sa ngayon, abala naman si Janno sa pagpo-promote ng kanyang first directorial project, ang Itutumba Ka ng Tatay Ko, kung saan nakasama pa niya bilang co-actor ang kanyang amang si Ronaldo.

“I believe this is the perfect time to release the movie kasi yung huling image of my dad, it wasn't nice. Hopefully, this erases that. Nakita naman natin siya in all his glory.-

SAMANTALA, TINGNAN ANG PAGIGING MALAPIT NG MAG-AMANG SINA RONALDO VALDEZ AT JANNO GIBBS: