Showbiz News

Bianca Umali, Faith Da Silva, Kelvin Miranda, balik na sa wushu training

By Kristian Eric Javier

Matapos ang holiday vacation, balik na sa Wushu training si Bianca Umali, kasama ang iba pang mga Sang'gre na sina Faith Da Silva at Kelvin Miranda, bilang paghahanda para sa action fantasy series na Encantadia Chronicles: Sang'gre.

Sa interview ni Bianca kay Cata Tibayan sa 'Chika Minute' para sa 24 Oras, sinabi niyang masaya ang pagbalik nila sa martial arts training, at inaming naging bonding na ito para sa kaniya at kaniyang mga co-stars.

“Tulad nito, pareparehas kami nacha-challenge, pareparehas kami pinagtutuunan ng pansin 'yung bawat move and I think, it makes the connection better,” pagbabahagi ni Bianca.

Nagbigay rin ng komento sina Faith at Kelvin tungkol sa pag-aaral nila ng Wushu.

Ayon kay Faith, “Iba pala talaga 'yung feeling ng wushu kasi the way na i-extend mo 'yung body mo with control and power at the same time.”

Para naman kay Kelvin, bumagay ang broad movements ng wushu para sa mga galaw ng kailangan gawin nilang mga Sang'gre.

Kasama rin nila ang iba pa nilang co-stars na sina Shuvee Etrata at Bianca Manalo mag-training ng martial arts.

“Ibang klase 'yung fight training, 'yung talagang team Philippines 'yung nagte-train sa'min, talagang nakaka-proud,” ani ni Bianca Manalo.

BALIKAN ANG NAGANAP SA STORY CONFERENCE PARA SA SANG'GRE SA GALLERY NA ITO:


Samantala, nagbigay naman ng babala si Bianca Umali tungkol sa kumakalat na balita ng open auditions para sa serye, at pinayuhan ang mga manonood na mag-ingat sa mga “fake news” tungkol dito.

“Wag po tayong agad agad magbibigay ng personal information, 'wag ho tayong agad-agad kakagat sa mga sinasabi nila at 'wag po tayong pupunta kung saan saan,” paalala ng aktres.

Nagbigay din ng kaunting update si Bianca tungkol sa kaniyang boyfriend at Black Rider star na si Ruru Madrid na kamakailan lang ay nasa emergency room matapos ang ilang araw na trangkaso at sore throat.

“He (Ruru) is currently resting because he was advised by his doctor to rest. But rest assured that everything is okay with Ruru,” pababahagi ni Bianca.

Dagdag pa ng aktres, “Kailangan lang niya talaga 'wag gumalaw at 'wag mag-isip.”