Showbiz News

The original Machete turns out to be gay

By AL KENDRICK NOGUERA

 
Sa mga buhay na noong 1990s, malamang ay familiar kayo sa pelikulang Machete na pinagbidahan ng noo’y film hunk na si Gardo Versoza. Pero ngayon sa kanyang role sa Dading, makikita ninyo ang malaking transformation niya dahil ang dating machong kinagigiliwan ng mga kababaihan ay macho na rin ang hanap ngayon.
 
Bading, ‘yan ang role ngayon ng dating Machete na si Gardo. Malayong-malayo ito sa kanyang previous roles dahil lalaking-lalaki ang characters niya noon. Kung hindi matapang na tatay tulad sa Rhodora X, madalas ay isa siyang kontrabida tulad naman sa Aso ni San Roque.
 
Ang bading na si Mother Lexi ngayon ang role ni Gardo sa Dading. Siya ang sumusuporta sa pagiging bading ng kanyang anak-anakan na si Carding. Kumbaga, siya ang kunsintidorang bakla kaya’t kinaiinisan siya ng pamilya ni Carding lalo na ng ama nito.
 
Sa interview kay Gardo ng GMANetwork.com noon, binanggit niya na dream role niya ang maging politikong masama na itinatago ang pagka-bading. 
 
Kahit paano ay may dumaplis naman ng kaunti sa kanyang dream role - ang pagiging bading. Kaya ayon sa aktor, hindi raw siya nagdalawang-isip na tanggapin ang character ni Mother Lexi.
 
Pahayag ni Gardo, “Walang [second thoughts]. Open arms, open legs!”
 
Kuwento ni Gardo, mahirap pero unti-unti na raw siyang nasasanay na magsuot ng mga damit pambabae. Cross-dresser kasi ang role niya at mahadera talaga kaya hindi puwede ang pagiging "paminta."
 
Kung napapanood ninyo si Gardo, makikitang dalang-dala niya ang role. Hindi mo nga maiisip na sa totoong buhay ay lalaking-lalaki siya. 
 
Dagdag niya, hindi pa raw niya inilalabas lahat ng kanyang pagka-bading. Mayroon pa raw siyang pinaghahandaan ngayon para mas maaliw sa kanya ang viewers.

“Nagpapapayat pa ako para abangan pa nila 'yung short shorts at high heels,” pahayag ni Gardo.

Kung gusto ninyong makita ang transformation ni Gardo bilang isang bading, watch na kayo ng Dading! Weekdays after The Half Sisters on GMA Afternoon Prime.