
Nanlumo at napaiyak ang dating TV host na si Robert Alejandro o mas kilala bilang Kuya Robert sa dating GMA-7 show na Art is Kool dahil ninakawan umano siya ng malaking pera.
Mapait ang sinapit ni Robert na kaniyang inilahad nang makapanayam ng Saksi. Natuklasan kasi niya na ang caregiver na dalawang buwan pa lang sa kaniya ay diumano ay ninakawan siya ng pera na umabot sa halagang Php 3M mula sa kaniyang life savings.
Matinding dagok ito para sa TV host na walong taon nang nilalabanan ang sakit na colon cancer.
Related: Celebrities na biktima ng pagnanakaw
Sa report ni Jonathan Andal, naglabas ng sama ng loob si Robert sa caregiver na pinangalanan ng pulisya na si Deo Angeles, "Nakikita naman niya 'yung kalagayan ko. 'Yung hirap na hirap kami mabuhay, tapos ito ang gagawin. Kailangan ko iyon para sa ospital, ganun. Buti kung healthy pa ako, puwede pa ako magtrabaho para mag-ipon pa,"
Base sa ulat ng Saksi, nadiskubre ni Robert na nawawala ang kaniyang pera noong December 17.
Nang makausap ni Robert ang bangko, lahat daw ng transaksyon ay galing sa cellphone niya. Ang hinala tuloy ni Robert pinapakialaman ng caregiver ang kaniyang smartphone habang siya ay natutulog.
Samantala, sinabi naman ni Police Captain Anthony Dacquel ng Quezon City Police District 14 Chief Investigator na lumabas sa kanilang imbestigasyon na gamit ang cellphone ni Robert nagpapadala ang suspect ng pera sa mga ahente ng e-Sabong.
“Na-locate naman namin 'yung number. Natawagan 'yun, nag-confirm naman 'yung mga 'yun.” Lahad ni Police Captain Dacquel.
Dagdag niya, “'Yung pinapadala pala sa kanilang nung suspect. Then sila naman loloadan nila sa e-sabong account 'yung suspect.”
May mensahe naman si Robert sa kaniyang dating caregiver, "Gusto kong sabihin sa kaniya, huwag na niyang gawin 'to. Hindi lang siya kumukuha ng pera kundi pati 'yung buhay ng kaniyang dapat alagaan. Napakasama,"
Hindi humarap ang suspect nang hingin ng panig nito ng Saksi tungkol sa mga akusasyon sa kaniya ni Robert Alejandro.