Showbiz News

Raymart Santiago at Claudine Barretto, nagkasundo na

By CHERRY SUN

 
Mahigit isang taon na ang alitan sa pagitan ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto, ngunit sa paglabas nila sa korte kanina ay tila nagkasundo na ang mag-asawa. 
 
Humarap muli sa korte sina Raymart at Claudine para sa Judicial Dispute Resolution, isang klase ng mediation sa harap ng hukom. Hindi man sila makapagsalita tungkol sa kaso dahil sa gag order, ibinahagi nila sa Balitanghali na nagkaroon sila ng kasunduan.
 
Ani Claudine, “Sabi ko nga.. when we were talking na we failed as a couple already, as husband and wife. Let’s not fail as parents, na sinabi ko kay Raymart na karirin na natin ‘to, yung pagiging magulang.”
 
“‘Yun ang napagkasunduan namin, kung para sa mga bata, open ‘yung lines namin,” sabi naman ni Raymart sa hiwalay na interview.
 
Makikita sa Instagram ng aktres na nagsama ang buong pamilya nila para i-celebrate ang birthday ni Sabina noong weekend. Kinuhanan din daw ng litrato ni Santino ang kanyang mga magulang.
 
“Yung time na ‘yun kasama ko mga anak ko. ‘Yun ‘yung mga oras ko sa anak ko. Sumunod na lang siya nung dinner but nag-request na lang mga anak ko na magpa-picture kami. ‘Yun ang nangyari,” kuwento ni Raymart.
 
Dagdag ni Claudine, “Wala namang mas ikatutuwa pa ng isang magulang kundi makita ‘yung anak nilang masaya.”
 
Wala pang final decision tungkol sa pag-atras ng kaso laban kay Raymart ngunit masaya na ito na nakakabisita siya sa kanyang mga anak. Nagte-text na rin daw sila ng kanyang asawa.