Showbiz News

Aljur Abrenica, affected sa pasaring ni Robin Padilla

By CHERRY SUN

 
Mahigit isang buwan na nang maghiwalay sina Aljur Abrenica at Kylie Padilla, pero tila tinamaan ito sa pasaring ng ama ng aktres.
 
Sa interview ng Startalk ay nagbigay ng payo si Robin Padilla sa kanyang anak na si Kylie.
 
“Maghanap ka ng tunay na barako, ‘yung barakong Pilipino, ‘yung may dugong barako para hindi ka na iiyak, hindi ka nasasaktan,” sabi ng barakong action star.
 
Dahil dito ay hindi maiwasang maapektuhan ang ex-boyfriend ni Kylie na si Aljur. 
 
Ibinida ng aktor sa Unang Hirit na maraming negatibong isyu ang naglabasan pagkatapos ng kanilang breakup. Gayunpaman, hindi raw ito sapat upang panghinaan siya ng loob.
 
Aniya, “’Yung mga nasasabi ngayon, mga lumalabas po ngayon is nasasabi lang po nila ‘yun dahil may galit pero hindi ko po dinidibdib ‘yun.”
 
“Alam ko naman po sa sarili ko kung ano'ng totoo. Ang importante naman ang, sa mata ng Diyos, alam naman niya 'yung lahat ng pinagdaanan ng bawat isa eh,” sabi rin nito.
 
Sa ngayon ay hindi pa rin daw ready si Aljur na pumasok sa panibagong relasyon.