Showbiz News

Bea Alonzo, nais mag-direk ng sariling movie, pero aminadong hindi pa siya ready

By Gabby Reyes Libarios

Parte ng listahan ng New Year's resolutions ni Bea Alonzo ang gumawa ng isang bagay na hindi pa niya nagagawa sa kanyang career or personal life.

Isa na rito ang pagdidirehe ng pelikula, bagay na hindi pa na-experience ni Bea Alonzo sa kanyang mahigit na dalawang dekadang karera sa showbiz.

"Nakakatawa kasi we were just talking about it kanina sa glam, kasi, 'di ko lang alam kung narinig n'yo na pala, I went to the script writing workshop of Ricky Lee noong 2019 so I have three scripts that he has approved," kuwento ni Bea Alonzo sa kanyang panayam sa GMANetwork.com pagkatapos ng launch ng Oppo Reno 11 series, ang smartphone na kanyang iniendorso, sa BGC Immersive sa Taguig City.


Ang tinutukoy ni Bea ay ang popular na writing workshop ng award-winning journalist at playwright na si Ricky Lee kung saan nakasabay niya ang directors na sina Sheron Dayoc at Jay Altarejos, at ang Singaporean filmmaker na si Bradley Liew.

Sa mga nagdaang edition, naging attendees na rin ng writing workshop ni Ricky Lee sina Kean Cipriano, Arjo Atayde, at Bela Padilla.

"I haven't really gotten to a point na gusto ko na siya i-produce at ifi-film market ko na siya," dagdag ni Bea. Ang "pag-fi-film market" ay pag-attend ng isang event kung saan nagtitipon-tipon ang filmmakers para makipag-network, at bumili or magbenta ng films sa mga sales agents at distributors.

"I don't know baka kasi 'yung insecurities ko, or nahihiya ako, or I don't have the guts to do it just yet or I don't have the time.

"Pero kahit sina Tita Gina Alajar, sinasabihan ako na to direct. Maybe one day, you know."

Ano namang klaseng pelikula ang gusto niya idirehe?

"Actually, it was originally mine, but I think I'm getting older so hindi na ako fit for the character that I have envisioned."

Wala rin siyang naiisip pa na aktres na pupwedeng magbigay-buhay sa kanyang karakter.

"Hindi ko pa nakikita kung sino 'yung gusto ko. I have someone in mind but I don't think she'll agree, because it's too controversial."

Isa ba itong love story?

Mabilis na sagot ni Bea, "I don't want to tell you," sabay tawa.

A movie about self-discovery? Or self-destruction?

"Maybe both," pabirong sagot ni Bea.




Makapag-direct man ng movie o hindi, malaki ang pasasalamat ni Bea Alonzo dahil ramdam pa rin niya ang suporta ng fans magpahanggang sa ngayon.

Dito niya nabanggit na hindi siya nagsasawang marinig mula sa mga tao ang pangalan na Basha at Bobby.

Basha ang karakter ni Bea sa 2007 cult favorite na romance-drama movie na One More Chance, kung saan nakatambal niya si John Lloyd Cruz na gumanap bilang Popoy. Bobby naman ang pangalan ng karakter ni Bea sa 2013 drama-comedy movie na Four Sisters and A Wedding na idinirehe ni Cathy Garcia-Molina.

"If you love what you do, it should make you feel proud. Actually mas kinikilig nga ako kapag tinatawag nila akong Basha or Bobby kesa sa Bea. That means I was able to touch their lives one way or the other.

"Pero 'yung sinasabi mong iba naman, actually this year I'm exploring. 'Yun 'yung ano ko, New Year's resolution, to explore many different genres. So I'm starting that with Widows' War, which is a murder mystery drama on TV. And I'm doing one with Erik Matti this year, that finally has come to fruition. I can't tell you just yet. But it's going to be very, very different from the past things that I've done. Actually, it scared me e, nung binabasa ko pa lang 'yung script, parang kinakabahan ako, parang, 'kaya ko ba 'to?'"

Ang Widows War ang spin-off ng murder mystery series na Royal Blood at Widow's Web. Dito makakasama niya ang Stolen Life star na si Carla Abellana. Naatasan mag-direct nito si Zig Dulay, na siya ring director sa hit primetime series na Maria Clara At Ibarra at ng Metro Manila Film Festival 2023 Best Picture winner na Firefly.

Sa kanyang nagdaang 24 Oras interview, sinabi na ni Bea Alonzo na excited na siyang makatrabaho sina Carla at Direk Zig. "I've always been vocal about wanting to work with Carla and Direk Zig for so long and it's finally happening, and I know that we have a very strong and beautiful script and and excellent cast."