Showbiz News

Kampanya para gawing People’s National Artist si Ate Guy, hindi uubra sa Malacañang

By CHERRY SUN
 
Balewala na raw ang pagkalap ng isang milyong pirma para mahirang si Superstar Nora Aunor na Peoples’ National Artist, ayon sa Malacanang.
 
Inilunsad ng akadaemiya at mga taga-suporta ni Nora Aunor ang one million signature campaign noong July 2. Maliban sa kanila ay masugid din na sumuporta rito ang kapwa artista ni Ate Guy.
 
“Look at Vincent Van Gogh, alam naman natin na isa siyang bipolar, alcoholic, pero pinaparangalan siya sa buong mundo. Sa kaso naman ni Nora Aunor, focus tayo dun sa mga na-contribute niya sa bansang Pilipinas. My God, world recognitions,” komento ni 1982 Bb. Pilipinas Ms. Universe Maria Isabel Lopez na isa ring aktres.
 
Dagdag naman ni Bembol Rocco, “Naniniwala ako na dapat ang pagbasehan ay ang trabahong ginawa nila sa industriya, kung ano ang ibinigay nilang kagandahan.”
 
Magkaroon man ng iba’t ibang argumento at kampanya para kay Ate Guy, pinal na daw ang desisyon ni Pangulong Aquino.
 
“Mainam siguro na ang nagtataguyod ng kilusang ito ay sumangguni muna sa kung ano ang isinasaad ng batas, sapagkat ang puwede lang pong sundin ng pamahalaan ay ‘yung naaayon sa batas”, paliwanag ni Sec. Sonny Coloma.
 
Samantala, nagpakita sa ikalawang pagkakataon sa publiko si Nora upang tumanggap ng isang parangal.
 
Siya ay kinilala ng militanteng grupo na Grabiela bilang “Ka-artista ng Bayan” para sa kanyang pelikulang Minsa’y Isang Gamu-gamo. Ito ay tungkol sa human rights violation ng mga sundalong Amerikano sa US military bases dito.
 
Walang binanggit ang Superstar sa pagtitipon tungkol sa kanyang hindi pagkakahirang bilang National Artist. Hindi rin siya nagpa-unlak ng panayam.