Showbiz News

Magkasintahan, pinatunayan na meron pa ring forever

By Kristian Eric Javier

Sa kabia ng sunud-sunod na mga hiwalayan, isang magkasintahan pa rin ang nagpatunay na mayroong forever sa pag-ibig.

Sa Kapuso Mo, Jessica Soho nitong Linggo, Febriuary 19, nakilala sina Romel at Avelina de Guzman, isang couple na kailan lang ay naging viral sa TikTok nang ma-video-hang nagsasayaw sa Intramuros nang nakayapak.

Ayon sa nag-video na si Sherlyn Mercado, nakita lang niya ang dalawa, na parehong nakapula, at nagsasayaw.

Sa interview nila Avelina at Romel sa KMJS, sinabi ni Avelina na mga kakilala lang ang nagsabi sa kanila na nag-viral na sila sa nasabing social media platform.

Ayon kay Avelina sy 2015 pa nang magka-glaucoma si Romel at unti-unting nabulag. Ngunit hindi ito umano naging hadlang para magkaroon dila ng masaya at memorable na Valentine's date.

“Gusto niya, memorable 'yung aming Valentine's. Kako, maraming kikiligin,” sabi niya.

Dagdag pa ni Avelina na siya ang nag-suggest na magpula sila sa araw na 'yun dahil araw ng mga puso. Samantala, si Romel, nag-withraw pa ng pambili ng regalo para sa kaniyang asawa.

“Nag-withraw po ako ng PhP2,000 para bilihan ng gift siya. Gawa ng hindi ko na nga nakikita, sabi ko, 'ikaw na lang ang bumili para mairegalo ko sa'yo,'” sabi niya.

Dagdag ni Avelina, “Ang binili po namin ay yung heart atsaka flowers. Yung heart, hawakan ko. 'Yung flowers naman, ibibigay niya sa'kin. Nag-arkila po kami ng kalesa.”

MA-INSPIRE SA CELEBRITIES NA MAY LONG-LASTING RELATIONSHIPS SA GALLERY NA ITO:

Nagdala rin sila ng panglatag na tela at ikinalat naman ni Avelina ang rose petals sa paligid. At dahil isa sa mga nakagawian nilang dates noon ay ang pagpunta sa disco para magsayaw, napili nilang gawin uli ito sa kanilang date.

“Kung tayo ay magsasapatos, parang nag hirap, baka pumulupot ang tela sa atin, matumba tayo. Sasayaw tayong nakapaa,” sabi ni Avelina.

Dagdag pa niya, “Hindi ko na inisip 'yun na mahiya o ano. Feeling ko, artista. Masaya po kami.”

“Pinupwesto niya ako sa lugar kung saan ako sasayaw at kung ano ang gagawin ko, tapos hahawakan niya 'ko. Once hinawakan niya 'ko, dun na'ko gagalaw ng medyo papaikutin ko siya,” dagdag ni Romel.

Sinabi rin ni Romel na ang gusto lang naman niya ay maging masaya si Avelina.

Pero paano nga ba nagsimula ang kanilang love story? Ayon sa kanila, pareho silang na love at first sight sa isa't isa.

Sabi ni Avelina, “Dun po siya nagtatrabaho sa Zapote po. Nung time na 'yun, lumabas po ako. E, nalaglag po 'yung pera ko. Tapos nagkatinginan kami. Para bang pinana ako ni kupido na parang napatingin ako sa kaniya."

Sa parte naman ni Romel, “Nagandahan ako sa kaniya. Pinaghalong Lani Mercado at Marian Rivera nung araw. Binigay ko 'yung number ko, sabi ko, 'Tawagan mo 'ko.' E, wala pa namang mga cellphone noon, e 'yung tatlong bentsingko na hinuhulugan."

Taong 2002 nang magpakasal sila ngunit ayon kay Avelina, hindi niya agad sinabi kay Romel na may mga anak na siya. At kahit gusto pang magka-anak ni Romel ay hindi na maaari dahil nagpa-ligate na si Avelina.

Aminado si Romel na nung una ay nagalit siya ngunit sa huli ay inunawa na lang niya ang asawa.

“Wala na, e, wala na akong magagawa, hindi na niya ako mabigyan ng tunay na anak,” sabi niya.

Nang lumabas ang panganay na anak ng isang anak ni Avelina, doon natuon ang atensyon ni Romel.

“Siya ang naging anak namin talaga. Binigay ng pagmamahal sa apo ko na 'yun,” sabi niya.

Sabi ni Avelina na naaawa at nahihirapan sila sa sitwasyon ng kaniyang asawa ngunit tinitiis na lang niya ito para sa pagmamahal niya kay Romel.

“Mahal na mahal ko 'yung asawa ko, ayaw ko pa siyang mawala. Gusto ko pang humaba ang buhay niya.,” sabi ni Avelina.

Dagdag pa niya, kapag mahal mo ang isang tao ay ibibigay mo ang lahat para sa kaniya.

Paalala ni Romel, “May forever, basta kasama mo ang Panginoon.”

Panoorin ang buong segment dito: