Showbiz News

Thea Tolentino on kontrabida roles: 'Mas close siya sa ugali talaga ng tao'

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
 
Marami ang naiinis ngayon sa character ni Thea Tolentino sa The Half Sisters. Pero ayon kay Thea, naiintindihan niya naman daw ang viewers dahil napakasama talaga ng ugali ng role niya rito.
 
Kuwento ni Thea, natutuwa raw siya kapag nakakabasa siya ng galit na tweets ng netizens sa kanya. Ibig sabihin lang daw noon ay effective siya bilang isang kontrabida.
 
Nang tanungin namin si Thea kung nag-e-enjoy ba siyang maging kontrabida, hindi siya nagdalawang-isip na sabihing oo. Sa katunayan nga ay wini-wish niya na sana sa mga susunod na show niya ay villain pa rin ang ibigay sa kanya.
 
Pahayag ni Thea, “Sana more kontrabida roles to come!”
 
Ayon kay Thea, may advantages daw para sa kanya ang pagiging kontrabida. “Kasi mas marami talaga akong matututunan eh. Para sa 'kin mas marami kang matututunan sa kontrabida roles,” saad niya.
 
Dagdag pa ni Thea, mas mayroong similarities ang kontrabida role sa totoong buhay. “Para sa 'kin, parang mas close siya sa ugali talaga ng tao. Kasi hindi naman tayo pure na mabait talaga. Mayroon din naman tayong bad side. Mas maipapakita ‘yon ng kontrabida para sa 'kin,” paliwanag ni Thea.
 
Nagbigay ng isang example si Thea ng linya nila ni Barbie sa The Half Sisters na sa tingin niya ay hindi gagawin ng ordinaryong tao sa tunay na buhay. “Kunyari aapi-apihin ka na tapos biglang isasagot mo lang eh, ‘Gusto ko lang po talagang magkabati tayo.’ Sa totoong buhay hindi ko 'yan gagawin eh (laughs),” saad niya.
 
Patuloy na subaybayan si Thea Tolentino sa kanyang pagiging kontrabida sa The Half Sisters, weekdays after Eat Bulaga on GMA Afternoon Prime.