Showbiz News

Steven Bansil, 'single and waiting,' pero bakit banned sa dating apps?

By Gabby Reyes Libarios

Aminado ang content creator na si Steven Bansil na hindi niya in-expect ang kanyang kasikatan at na magiging patok sa netizens ang kanyang "Office Gurl serye."

Para sa mga hindi nakakaalam, ang "Office Gurl serye" ay isa lamang sa maraming "skit" na ginagawa ni Steven sa social media platforms na Facebook, Instagram, at TikTok, kung saan gumaganap ang gwapong binata bilang ang nagmamaganda at nagmamalditang Office Gurl.

Bukod sa nakakatawa ang kanyang mga hirit, pati na rin ang kanyang mannerisms na ginagaya kahit ng mga "straight" na lalaki, kinagigiliwan ng netizens ang kanyang Office Gurl serye content dahil "relatable" daw ang mga sitwasyon dito.

"Actually, hindi ko inexpect, kasi when you think about it, itong sa Office serye, medyo masama ang ugali niya," natatawang sagot ni Steven Bansil sa kanyang panayam sa GMANetwork.com sa Watsons Health and Wellness Expo sa Megamall.

"Pero do'n ko rin nakita na ang dami rin palang nakaka-relate kasi it happens on a daily basis sa mga offices.

"Ang daming nagmemessage sa akin na parang, 'Meron kaming Gheorjhette dito,' 'May Office Gurl kami rito,' o 'Meron din kaming Shermaeyk dito,' do'n ko na-realize na ang dami pala talagang nakaka-relate sa ginagawa ko, kahit masama ang ugali niya."

Ang mga nabanggit na mga pangalan ni Steven ay ang mga karakter sa kanyang istorya: si Gheorjhette ang pinagmamalditahang boss ni Office Gurl at head ng accounting, at si Shermaeyk, ang CEO ng Dela Vega Enterprise na may crush kuno sa bida.

A post shared by Steven Bansil (@stevenbansil)

Nasa naturang event ang viral content creator para ipromote ang "healthy lifestyle" sa mga Pilipino, pati na rin ang Nuwhite, ang glutathione supplement brand na kanyang ineendorso.

Ang nagdaang Watsons Health and Wellness Expo ay isang exhibition kung saan mahigit 52 brands ang nakisali upang ipakilala ang kanilang mga produkto at serbisyo sa mga taong nais maging mas healthy at active ang kanilang lifestyle.

Bukod sa giveaways, promos at workout demos, ang nasabing expo ay dinaluhan rin ng mga sikat na celebrities tulad nina Anne Curtis, Jessy Mendiola, Kristine Hermosa, Francine Diaz, Stolen Life star Gabby Concepcion, TiktoClock host Kuya Kim, at marami pang brand ambassadors.

(Kaliwang photo) Jared De Guzman, customer director ng Watsons Philippines at Andrew Donn Manuel, AVP Sales ng Unilab; (Kanang photo) Ang mga tao sa likod ng Health and Wellness Expo: Dharrell Fontanilla, Sharon Decapia at Patrick Yu

Nagbigay din ng kani-kanilang tips and health advice sina 'Stolen Life' actor Gabby Concepcion at 'TiktoClock' host Kim Atienza.

Bagamat nakakataba ng puso ang mga naririnig niyang compliments, hindi pa rin lubusang sanay si Steven sa atensyon na kanyang natatanggap.

"As an introvert, medyo mahiyain po talaga ako. Pero it really drains me out, hindi ako masungit ha, 'pag medyo marami nagpapa-picture. Pero siyempre po 'pag may mga lumalapit at nagpapa-picture, na-a-appreciate ko po 'yon," pag-amin ni Steven.

Dahil marami-rami na rin ang nakakakilala sa kanya sa publiko at sumusubaybay sa kanya online, mas maging maingat na rin Steven sa kanyang mga sasabihin at ipopost.

"Mas careful na ako sa mga sasabihin ko kasi ang daming batang nanonood, especially sa social media, siyempre may access sila. I have to be careful with what I say, tapos 'yong content ko, dapat puwede siya for all ages."

A post shared by Steven Bansil (@stevenbansil)

Ano naman kaya ang mapapayo ni Steven Bansil sa mga aspiring content creators na nangangarap rin makamit ang kasikatan online?

"Focus on your strengths. Huwag kang gumaya sa iba. Huwag kang gumaya sa kung anong trending.

"Just focus on who you are as a person kasi I feel like we are unique in our own ways. 'Yung pagiging unique mo, 'yun 'yung magiging product mo, 'yun 'yung i-a-admire ng viewers mo."

Ngayong mas kilala na rin si Steven, mayroon na rin kaya siyang love life?

"Single ako for so many years now. I think focused lang ako sa career," sagot ni Steven.

"But I'm not closing my doors on anything. 'Pag may dumating, why not? Pero ngayon kasi ang focus ko talaga, career. I really want to take the opportunity while the iron is hot."

Sa dami ng kanyang followers, wala bang mga nagpaparamdam o umaaligid sa kanya?

"Meron naman, konti. Hahaha. Pero 'yon nga, 'pag feeling ko hindi kami aligned sa mga goals namin in life, parang 'wag na lang."

Hirit pa ni Steven, paano raw siya makakahanap ng partner kung naka-block na siya sa mga sikat na dating app.

"Naka-block na ho ako sa lahat! Kasi akala nila poser [ako], pero no'ng nagsa-start ako do'n, ako talaga 'yon.

"Naka-block na ako. Naka-ilang sim cards na ako, naka-ilang phones na ako, naka-block pa rin ako. Sa mga dating apps po diyan, ako po 'yon talaga."

A post shared by Steven Bansil (@stevenbansil)


RELATED CONTENT: Social media stars who started their acting career in 2023