Showbiz News

Ilang mga Pinoy, nakatagpo ba talaga ng pag-ibig sa 'AFAM Bridge'?

By Kristian Eric Javier

Kilala ang mga Pinoy bilang hopeless romantics, naghahanap ng tamang pag-ibig sa kabila ng mga dagok sa buhay. Minamalas man ang iba, ang ilan naman ay sinuswerte at nakakatagpo pa ng kanilang forever sa tinatawag na "AFAM Bridge" sa Siargao.

Ayon kay Christian John Teatro, OIC ng Municipal Tourism Office - General Luna, ang AFAM Bridge o Catangnan-Cabitoonan Bridge ay ginawa noong 2016 at natapos noong 2021. Naging tambayan ito ng mga lokal sa isla, at gayundin ng mga turistang foreigner o AFAM.

Para sa ilang mga taga-Siargao, ang tulay mismo ang naging daan para mahanap nila ang pag-ibig.

Isa si Manilyn Congreso sa mga nakahanap ng pag-ibig dahil sa tulay. Sinabi niya sa Kapuso Mo, Jessica Soho na una siyang nakakilala ng isang AFAM noong nagpunta siya sa Manila noong 18 years old siya. Ngunit nang magkaroon sila ng anak, ay umuwi na siya ng Siargao, at nalaman na may asawa pala ito sa Thailand.

Nang makabalik ng Siargao ay mag-isa niyang tinaguyod ang kanilang anak, hanggang makilala niya ang isa pang foreigner na inakala niyang hihilom sa kaniyang heartbreak.

“One week kami sa Cebu nagsama. Bumalik na siya sa Florida, siya 'yung nagsusuporta sa anak ko. Hindi ko alam kung babalik pa siya, ang dami niyang dahilan,” sabi ni Marilyn.

Matapos nitong hindi bumalik ay nakilala niya ang isang Australian at sa pagsasama nila ay nagkaroon sila ng anak, ngunit tila hindi ito matanggap ng foreigner.

“Nung sinabi ko sa kanya, parang na-shock siya, iniisip niya, 'sa'kin ba 'yan?' Nasaktan ako since nag-birth ako sa baby ko na pangalawa, hindi na siya nagko-contact until now,” sabi niya.

Dahil tila minamalas sa paghahanap ng partner, naisipan niyang magpunta sa AFAM Bridge at dito nagkrus ang landas nila ng Australian na si Blake.

“Nag-celebrate siya ng December 25 sa bahay ng friend ko, hanggang dun nagsimula 'yung pag-uusap namin,” sabi niya.

Ngunit isang linggo lang din ang tinagal nito dahil umuwi na ng Australia si Blake.

“Alam ko na mga style ng mga foreigner, pupunta dito, tapos uuwi, contact lang saglit tapos wala na,” sabi niya.

Ngunit tila iba si Blake dahil kahit nakauwi na ito ay patuloy pa rin ang komunikasyon nila

“Sabi naman ng kaibigan ko na seryoso daw siya. Ok, kung seryoso talaga siya, seryoso din ako,” sabi niya.

Ang maganda pa nito, tanggap umano ni Blake ang mga anak ni Marilyn.

“'Siyempre tanggap ko,' tsaka mahilig talaga siya sa kids. 'Yun ang nagustuhan ko sa kaniya,” dagdag niya.

Ayon kay Blake ay plano niyang bumalik sa Siargo sa Hunyo para makasama pa ng mas mahaba si Marilyn.

TINGNAN ANG MGA CELEBRITIES NA NAGMAHAL DIN NG FOREIGNERS SA GALLERY NA ITO:

Isa rin ang surfing instructor na si Merlan Gubaton na nakahanap ng pag-ibig sa AFAM Bridge, si Inca Cauz na galing Netherlands.

Ayon kay Merlan, madalas din siya tumambay sa naturang tulay hindi lang dahil nakakawala ito ng pagod at dahil sa magandang view, kundi dahil na rin sa mga foreigners na nakatambay din dito.

Aminado si Merlan na chickboy siya, at marami ang nagpapapansin sa kaniya, ngunit tila si Inca lang ang nakakuha nito.

“Sa una naming pagkikita, tingin ko barkada lang kasi hindi naman kami nagkatinginan ng maayos,” sabi niya.

Ngunit dahil sa hilig nila pareho sa surfing ay nagkakilala sila ng mas mabuti.

“Masarap kasama. Nakakatuwa lang kasi palaging naka-smile, walang problema sabi ni Merlan.

Para naman kay Inca, ang nakatawag ng pansin niya ay ang pagiging palangiti ni Merlan, at ang kabaitan nito.

“He's my first boyfriend, I feel really safe with him. He's really sweet, very caring of me. We always have a good laugh,” sabi niya.

Madalas rin sila bumalik sa AFAM Bridge, si Merlan para mangisda, habang si Inca naman para mag-skating.

Ngunit kamakailan lang ay umuwi na si Inca sa Netherlands at aminado si Merlan na natatakot siya dahi na-in love na rin siya sa dalaga.

Pero may iniwan namang pangako sa kaniya si Inca bago ito umalis, “I promise that I will come back in June.”

Hiniling din ni Marlen na magtiwala lang si Inca sa kaniya, at sinabing hindi siya makakahanap ng iba habang wala ito.

Panoorin ang buong segment dito: