Showbiz News

Jaclyn Jose, hindi pinangarap na sumikat; planong mag-Japan noon

By Jansen Ramos

Maagang namulat ang yumaong aktres na si Jaclyn Jose sa kahirapan kaya pinasok niya ang showbiz sa edad na 21 anyos.

Ipinanganak si Jaclyn, o Mary Jane Sta. Ana Guck sa tunay na buhay, sa Angeles, Pampanga noong 1963. Pangawala siya sa anim na magkakapatid. Dating singer sa isang bar ang kanyang ina, samantalang isang American-German na sundalo naman ang kanyang ama na kahit minsan ay hindi niya nakita o nakilala.

"I never saw my dad. Wala akong desire [na makita siya]. Life goes on without you, parang ganyan. Ando'n lang talaga ako, I'm very, very observant-type of kid," bahagi ng aktres sa panayam sa kanya ni Jessica Soho sa Kapuso Mo, Jessica Soho sa episode nito noong May 29, 2016.

Bata pa lang ay aware na si Jaclyn sa sitwasyon ng kanyang pamilya.

Aniya, pangarap niyang makapag-Japan noon para maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan.

"Ang tanging paraan lang ng mga Pilipino para kumita ng mas malaki sa dapat inaasahan para ka makabuhay ng isang malaking pamilya ay makapag-abroad ka sa Japan. Singer oo, kasama pa ko ng nanay ko pumupunta pa kami sa Rondo. Hindi ako kumakanta pero ando'n ang thought of maiiaangat ko ang pamilya ko sa kahirapan kapag nagpunta ako sa Japan."

Bago mag-artista, naging tindera ng bibingka si Jaclyn pero dahil maliit ang kita, pumayag na rin daw siyang pumasok sa showbiz.

Sa katunayan, naging personal assistant o PA muna siya ng kanyang kapatid na si Veronica Jones, na naunang mag-artista sa kanya.

Taong 1984 nakuha ni Jaclyn ang kanyang big break sa pelikulang Chicas na sinundan naman ng Escort Girls (1985). Doon siya napansin ng batikang direktor na si Lino Brocka at kinuha siyang magbida sa pelikulang White Slavery (1985).

Nalinya si Jaclyn sa pagpapa-sexy. Ang isa sa mga mapangahas niyang role ay ang pagiging torera sa pelikulang Private Show (1986).

Nasungkit naman ng aktres ang kanyang kauna-unahang best actress award para sa 1987 film na Takaw Tukso.

Sumikat si Jaclyn sa bold movies pero, aniya, hindi niya ikinahihiya ito dahil mas mahalaga ang social relevance ng bawat karakter na kanyang ginagampanan.

Ika niya, "Ang objective namin iisa--ipakilala sa kanila itong klaseng tao na ito nag-e-exist sa society natin and pakinggan natin siya, tingnan natin siya, bigyan natin ng solusyon 'yung problema."

Ni hindi nga raw niya pinangarap na maging isang malaking artista.

Paliwanag niya, "Kung papipiliin ka at that time, the producer will ask you, 'ano bang category ang gusto mo?' I want longevity and kalidad. I don't wanna be there and do nothing after awards. I want to create characters."

Panoorin ang buong panayam sa video sa ibaba.

Pumanaw si Jaclyn noong March 2, 2024 sa edad na 59 sanhi ng heart attack.

BALIKAN ANG MAGAGANDANG ALAALANG INIWAN NG MAHUSAY NA AKTRES SA GALLERY NA ITO.